LUNGSOD NG BALANGA — Natagpuan na ngayong Linggo ng umaga ang katawan ng binatilyong nalunod sa Talisay River na sakop ng Barangay Puerto Rivas Itaas dito at naiulat na nawawala Sabado ng hapon.
Ang nasawi ay kinilalang si John Mark Marasigan, 15, Grade 9, ng Barangay Cupang sa Balanga City.
Ayon sa mangingisdang si Mang Gary, kasalukuyan silang nag-aayos ng lambat nang dumaan ang apat na batang nagkakatuwaan at naligo sa ilog. “Naghihiyawan pa sila.”
Naliligo pa umano ang mga ito nang umalis na sila at nabalitaan na lamang nila noong hapon na may nalunod. “Ngayong umaga nakita namin nagkakagulo na diyan, may nalunod daw diyan. Ang nakita pala namin kahapon na nagsidaan dito, yong isa ang nalunod.”
Sinabi ni Mang Gary na dalawang dipa at kalahati ang lalim ng tubig sa ilog kung saan naligo ang mga magkakaibigan.
Ayon kay Pto. Rivas barangay kagawad Jonathan Baluyot, ang tatlong kasama ng nalunod ay pumunta sa kanilang bahay at sinabing may nalunod. Ang kaibigan daw nila sumisid tapos hindi na lumitaw.
Tinawagan daw niya ang kanyang mga kasamahang kagawad para kumontak sa city disaster risk reduction management office ng Balanga at iba pang ahensiya para tumulong sa paghahanap sa biktima.
“May tumulong na mga ka-barangay naming magtatahong na dala ang compressor para masisid ang ilog. Inabot kami ng gabi pero talagang hindi namin nakita,” sabi ni Baluyot.
Nito raw Linggo ng umaga dahil Christ the King, tinaasan ng SantisImo Sacramento ng pari nang dumaan sila sa tulay at maya-maya raw nakita ang nalunod.
“Ang lugar na iyon talagang may mga singit-singit doon kasi nga parang nahuhukay ang ilalim. Sa kuwento ng mga mangingisda may parang kuweba doon sa ilalim. Parang doon siguro napunta ang bata kaya sa magdamag na paghahanap hindi talaga nakita. Kanina low tide may mga kasama tayo Coast Guard na nakahanap sa bata,” sabi ni Baluyot.
Sinabi ni Pto. Rivas barangay chairman Jimmy Gonzales na maraming nagtulong-tulong kabilang ang sa ibang barangay upang mahanap ang nalunod hanggang mag-aalas-10 ng gabi ng Sabado.
Napilitan lang umanong tumigil ang rescue operations dahil nag-high tide na at umulan pa na may kasamang malakas na hangin.
Maaari umanong pinulikat ang binatilyong biktima.
“Ang pakiusap ko sa mga bata sana iwasan nilang maligo sa ilog lalo na kung hindi marunong lumangoy. Maputik ang lugar na iyon at baka lumaki ang tubig o pulikatin sila ganon mangyari din sa kanila. Sana iwasan na nila maligo sa ilog,” panawagan ni Kapitan Gonzales.
Bukod sa mga mangingisda at mga tauhan ng Barangay Pto. Rivas at mga kalapit na barangay, sumaklolo rin ang mga kasapi ng Balanga City police, CDRRMO, Bureau of Fire Protection at iba pa.