STA. MARIA, Bulacan — Patay ang isang binatilyo matapos na tangayin ng malakas na agos sa pinaliguang ilog sa Barangay San Jose Patag sa bayang ito.
Ang biktima ay nakilalang si Reymart Antid, 14, ng Barangay Loma De Gato sa bayan ng Marilao.
Kasama niya ang dalawang barkada nang maligo sa ilog nitong Miyerkules ng hapon ngunit habang naliligo ay tinangay ang biktima ng malakas na agos ng tubig.
Ayon kay Marc Daniel Gaspar, volunteer ng barangay San Jose Patag, napadaan lang ang magbabarkada sa kanilang lugar habang nagbibisikleta at nagkayayaan ang mga ito na maligo sa ilog.
Kasagsagan ng paliligo ng mga ito nang biglang tangayin ng malakas na agos si Antid at hindi na nakita.
Agad na lumapit ang dalawa nitong kasama sa mga otoridad at agad na sumaklolo ang Sta. Maria MDRRMO at Bulacan PDRRMO para sa rescue operation. Ngunit matapos ang paggalugad sa ilog ay kaninang pasado alas-dos na ng hapon nakita ang labi ni Antid.
Ayon naman kay Recson Antid, ama ng biktima, nagpaalam lang ang kanyang anak na magba-basketball at hindi nya alam na nakarating na pala ito sa Sta Maria.
Ang labi ng biktima ay nakalagak na sa isang punerarya at inihahanda na ang pagburol nito sa kanilang tahanan sa Loma de Gato.