Binaha ngunit maagang nilinis ang ilang puntod

    499
    0
    SHARE

    PUNTOD MO, LINIS KO. Matiyagang inaalis ni Ramon Aquino ang mga damo sa malusak na daan sa pagitan ng mga puntod sa Hagonoy Catholic Cemetery sa Barangay  San  Sebastian, Hagonoy, Bulacan. 

    Ang mga nitso sa nasabing libingan ay pawang lumubog sa baha.

    Kuha ni Dino Balabo

    HAGONOY, Bulacan—Napaaga ang paglilinis ng mga puntod sa mga sementeryo dito dahil sa katatapos na pagbaha na nagpalubog sa mga ito.

    Ngunit hindi lahat ay nalinis na dahil marami pa rin ang nababalutan ng natuyong banlik o tumining na putik na iniwan ng humupang baha.

    Dahil dito, inaasahang higit na mas mahirap ang paglilinis sa mga nitsong lumubog sa baha at nabalutan ng natuyong banlik dahil walang tubig na panglinis sa mga loob ng sementeryo.

    “Noong may tubig baha pa, madali lang, buhos lang ng buhos, eh ngayon, wala ng tubig kaya iigib pa,” ani Ramon Aquino, 40, ng barangay San Sebastian sa bayang ito.

    Si Aquino ay isa sa mga nangongontrata sa paglilinis ng mga nitso at puntod sa Hagonoy Catholic Cemetery na matatagpuan sa nasabi ring barangay.

    Sinabi niya na matapos maglinis sa kanilang mga binahang bahay, ilang  residente ang nagsagawa agad ng paglilinis ng puntod ng kanilang pumanaw na mahal sa buhay.

    Ang nasabing paglilinis ay naging madali dahil sa nagamit na pambuhos ang humuhupang baha noon.

    Sa kasalukuyan, sinabi ni Aquino na bukod sa natuyong banlik sa mga nitso, lilinisin na rin ang mga matataas na damo na nakapaligid sa mga nitso.

    “Ang problema ay nagsimula sa tubig baha, ngayon problema pa rin ang tubig na panglinis,” aniya.

    Binigyang diin niya na sa bawat nagpapalinis sa kanya, sumisingil siya ng P200 hanggang P500, batay sa laki ng lilinisin.

    Ito ay dahil sa umiigib pa siya ng tubig na panglinis sa nitso sa kanilang bahay.

    Ayon kay Aquino, dagdag hanapbuhay niya ang paglilinis sa puntod bawat taon.

    Bukod sa paglilinis, tumatanggap din siya ng kontrata para sa pagpipintura sa nitso.

    “Depende pa rin iyan kung sa kanila o sa amin ang pintura,” aniya.

    Sa kasalukuyan, humupa na ang baha sa mga pangunahing sementeryo sa bayang ito tulad ng Sta. Ana Cemetery, Hagonoy Public Cemetery and the Hagonoy Catholic Cemetery  na pawang matatagpuan sa Barangay San Sebastian.

    Ngunit may ilang mabababang bahagi ng nasabing sementeryo na naipon ang tubig dahil sa kawalan ng daluyan o drainage.

    Ito ay dahil sa ang mga nasabing sementeryo ay napapalibutan ng kongkretong pader at walang kanal na dinadaluyan ng tubig palabas.

    Sa kalagayang ito, nanatiling maputik at may tubig ang ilang daanan kaya’t ang mga taong dumadalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay ay sa ibabaw ng ibang nitso dumadaan kahit iyon ay napinturahan na.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here