GUIGUINTO, Bulacan – Kaugnay ng papalapit na Semana Santa ay inilunsad na ng Toll Regulatory Board ang Speed Limit Radar Enforced sa North Luzon Expressway kamakalawa.
Ayon kay TRB Executive Director Atty. Edmund Reyes, ngayon pa lamang ay mahigpit na nilang ipinapatupad ang batas trapiko sa mga expressways tulad ng anti-over speeding at anti-over loading upang masiguro ang ligtas na transportasyon sa Semana Santa.
Ito umano ay nang sa gayon daw ay masanay na ang publiko sa mga batas na ipatutupad na makatutulong sa maayos na byahe sa susunod na linggo.
Ayon kay Reyes, hindi lamang sa panahon ng Semana Santa nila ito ipapatupad kundi sa buong taon.
Sa press conference kamakailan, sinabi niyang nais nilang ipabatid sa publiko ang mensahe na ang mga traffic violators ay tiyak na papatawan ng parusa sa expressways.
Ipinakita ng TRB at ng Manila North Tollways Corporation sa media ang paggamit ng kanilang speed gun para sa speed monitoring.
Ilang motorist ang rumehistro dito na lagpas sa speed limit.
Ang mga truck at bus, hanggang 80 km per hour lamang ang kanilang maximum speed limit.
Ang light vehicles naman hanggang 100km per hour naman ang maximum speed limit.
Ayon kay Reyes, accurate ang kanilang equipment at hindi maitatanggi ng mga motorista ang nagawang violation.
Sa katunayan, ilang motorista ang naaktuhan ng mga mamamahayag na hinuli sa Bocaue Barrier Toll Plaza dahil sa over speeding.
Tinatayang nasa 30 hanggang 40 kada araw daw na motorista ang nahuhuli dahil sa over speeding batay sa record ng MNTC.
Ayon naman kay Reyes, maging ang overloading ng mga bus ay kanilang babantayan.
Payo niya sa publiko na mga uuwi ng probinsya sa Semana Santa na agahan na ang pagluwas at huwag ng makipagsiksikan sa mga bus sa rush hour dahil sa hindi nila papayagan ang overloading upang maseguro ang maayos na pagbyahe.
Kung ang kapasidad lamang kasi aniya ng mga buses ay hanggang 40 katao ay tiyak na malapit sa aberya kung ilululan dito ang 100 katao.
Nilunsad na rin ng TRB ang kanilang social media site na facebook.com/trb.safe para sa mga traffic advisories at safety tips na makatutulong sa mga motorista para sa maayos na pagbyahe sa Mahal na Araw.
Siniguro din ni Reyes na walang magaganap na toll hike sa panahon ng Semana Santa sa kabila ng may petisyon ng inihain sa kanila ang mga tollway companies para magtaas ng singil sa paggamit ng mga expressways.