Bilang ng nasaktan sa paputok sa Bulacan tumaas

    463
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS—Tumaas ang bilang ng nasaktan sa Bulacan dahil sa paputok kaugnay ng pagsalubong sa 2011 kumpara sa pagsalubong noong 2010.

    Batay sa ulat ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO), umabot sa 51 katao ang ginamot sa Bulacan Medical Center (BMC) at iba pang ospital sa lalawigan sanhi ng mga sugat na tinamo dulot ng paputok.

    Ang nasabing bilang ay higit na mataas sa naitalang 48 biktima ng paputok kaugnay ng pagsalubong sa taong 2010.

    Sa pagsalubong naman sa taong 2009, umabot sa 69 Bulakenyo ang naitalang nasugatan.

    Ayon kay Senior Supt. Fernando Villanueva, direktor ng pulisya sa Bulacan, karaniwan sa mga nasugatan ay sanhi ng mga ipinagbabawal na paputok.

    Kabilang dito ang mga naglalakihang “Goodbye Philippines”, “Super Lolo”, at “Atomic Bomb.”

    Ngunit may nasaktan din sanhi ng paggamit na mas maliit ngunit ipinagbabawal ding uri ng paputok tulad ng “five star”at “Piccolo.”

    Ayon kay Villanueva, bago pa pumasok ang kapaskuhan ay nagbabala na sila sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok.

    Gayunpaman, namayani pa rin ang hilig ng mga biktima sa mas malalaki at malalakas na paputok na naging sanhi ng pagkasugat.

    Kaugnay nito, sinabi ng ilang tauhan ng Bulacan Medical Center na marami sa mga biktimang kanilang ginamot ay nakainom ng alak o kaya ay lasing.

    “Amoy na amoy sa hininga yung alak,” ani ng isang tauhan sa emergency room ng BMC.

    Samantala, iniulat ng Provincial Disaster Management Office (PDMC) na umabot na sa 85 ang naitalang biktima ng paputok sa Bulacan mula noong Disyembre 23.

    Ayon kay Liz Mungcal, action officer ng PDMO, kabilang sa mga biktima ay mga bata, at mga senior citizen.

    Sinabi rin niya na bukod sa 44-anyos na babae sa Malolos na kumain ng pulbura ng piccolo na inihalo sa fruit cocktail noong bisperas ng Pasko ay wala pang naitalang namatay sa paputok sa lalawigan.

    Sinabi ni Mungcal na ang babaing namatay sa pagkain ng fruit cocktail na may pulbura ng piccolo ay ang kauna-unahang biktima sa Bulacan na namatay sa panahon ng kapaskuhan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here