LUNGSOD NG MALOLOS – Arestado sa ikinasang entrapment operation ng CIDG Bulacan ang isang umano’y bigtime illegal recruiter matapos itong ireklamo ng kanyang mga nabiktima.
Ang suspek ay nakilalang si Ma. Theresa Samonte, 49, residente ng Regata Subd. sa Barangay Noveleta, Cavite City, na naaresto sa isang restaurant sa bayan ng Plaridel.
Ayon sa biktimang si Dolia Raquisa, muling humingi ang suspek ng karagdagang P12,000 para sa sampu niyang mga pamangkin na pupunta umano ng Japan para magtrabaho bilang factory worker, janitor sa mga casino at supermarket.
Ayon sa ulat, nasa P200,000 na ang natangay ng suspect sa may 16 na mga biktima.
Ayon pa sa mga biktima, nauna na silang hiningan ng halagang P8,000 hangang P9,000 bago pa humingi ng dagdag bayad ang nasabing illegal recruiter hanggang matunugan nila ang modus nito.
Napag-alaman na ang suspek ay walang kamag-anak sa Japan at nakulong na rin sa katulad na kaso sa Valenzuela.
Depensa naman ng suspek, pumayag ang mga nagrereklamo na dumadaan sila sa tourist visa at direct hire at nagpaluwal siya dito at wala siyang natanggap ng pera mula sa mga ito.
Handa naman daw niyang harapin at panagutan ang kasong isinampa sa kanya ng mga biktima.
Sa kasalukuyan ay nakaditene ang suspect sa Bulacan CIDG na nahaharap sa kasong illegal recruitment.