BFAR planong ihiwalay sa DA

    630
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Pabor si Agriculture Secretary Proceso Alcala na ihiwalay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) mula sa Department of Agriculture (DA).

    Ngunit, iginiit niya na marami pang gusot na dapat ayusin sa BFAR, at kapag kaya na nitong mag-isa ay irerekomenda niya ang pagiging indipendyente nito.

    “Hangga’t marami pa silang problema ay aakayin ko sila, pero kapag nakita kong pwede na silang bitawan, saka tayo magdedesisyon,” ani Alcala.

    Ang pahayag ni Alcala ay bilang tugon sa katanungan ng mga kasapi ng Integrated Services for the Development of Aquaculture (ISDA), kung maaaring ihiwalay ang BFAR sa DA.

    Ang ISDA ay isang samahan ng mga namamalaisdaan sa mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan.

    Ayon sa mga kasapi ng ISDA, madalas silang masalanta ng mga kalamidad katulad ng pagbaha at fishkill o pagkamatay ng mga isdang alaga.

    Ngunit laging kapos ang ayudang ipinagkakaloob sa kanila ng gobyerno dahil sa maliit na pondo ng BFAR.

    Binigyang diin naman ni Alcala na sa taong ito ay tinanggap ng BFAR ang pinakamalaking alokasyong pondo sa kasaysayan nito.

    Gayunpaman, hindi niya binanggit kung magkano ang nasabing pondong alokasyon.

    Bilang isang ahensiyang nasa ilalim ng DA, ang BFAR ay ang namamahala sa pagsusulong ng mga polisiya at palatuntunan sa produksyon ng isda at mga pangisdaan sa bansa.

    Ayon kay Alcala, pabor din siya na ihiwalay ang nasabing ahensiya sa DA, ngunit kailangan pa niyang matiyak na kaya nitong tumindig bilang isang bagong kagawaran ng pamahalaan. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here