IBA, Zambales (PIA) — Nagpaabot ng pakikiramay at agarang tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pamilya ng tatlong mangingisdang nasawi sa nangyaring insidente malapit sa Bajo de Masinloc.
Personal na ibinigay ni BFAR National Director Demosthenes Escoto ang P20,000 at food packages sa bawat isang naulilang pamilya sa kanyang pagbisita sa burol ng mga nasawi sa barangay Calapandayan sa bayan ng Subic.
Bukod sa pinansyal na tulong ay magbibigay rin ang ahensya ng scholarship sa kanilang mga anak na naiwan sa kahit saang pambulikong pamantasan o kolehiyo sila kwalipikadong pumasok.
Saklaw ng scholarship na ito ang kanilang tuition, monthly stipend, thesis allowance hanggang sila ay magtapos at sila rin ay bibigyang prayoridad na mabigyan ng trabaho.
Kaugnay nito, tumanggap din ng tig P2,000 at food packs ang 11 mangingisda na nakaligtas sa naturang insidente.
Magbibigay rin ang BFAR ng bagong 62-footer fiberglass reinforced plastic fishing boat sa Subic Commercial Operators Fishing Association Inc. at livelihood packages sa naturang mga pamilya.
Samantala, tiniyak naman ni Escoto na kaisa ang kanilang ahensya sa paghahangad ng katotohanan at hustisya.
Aniya, malalim ang kaniyang respeto sa mga mangingisda ng Pilipinas, na itinuturing na mga bayani at kasangga ng pamahalaan para masigurong may sapat na pagkain sa bansa. (CLJD/RGP-PIA 3)