ABUCAY, Bataan: Dalawang araw na lamang at Bagong Taon na ngunit matumal pa rin ang bentahan ng paputok sa mga tindahan na nakahanay sa tabi ng palengke ng Abucay, Bataan ngayong Sabado.
Sinabi ni Mabeth Roque, isa sa mga tindera, na halos ganoon pa rin naman ang presyo katulad noong nakaraang taon. “May tumaas pero hindi rin naman ganoon ang kataasan.” Malakas umano ang benta ng fountain, fireworks aerial at mga pambata.
Ayon naman sa isa pang tindera na si Joan Niral na mahina ang benta ngayong Sabado na araw pa naman kung kailan inaasahan nila na lalakas ang benta nila. Medyo malakas daw ang benta noong Biyernes.
Gayon pa man, umaasa ang mga tindera na gaganda ang benta nila Sabado ng hapon hanggang Linggo bago sumapit ang Bagong Taon. Lusis, fountain at malalaking fireworks umano ang mabili.
Samantala, nagsisikip na sa maraming tao ang bilihan ng mga prutas sa palengke ng Balanga City sa Bataan ngayong Sabado.
Pati ang kalsada patungo ng Balanga City Public Market ay nagsisikip na rin sa dami ng sasakyan.
Sinabi ng tinderang si Andrea Zabala na okay naman ang benta niya. “Kahit paano may namimili, pumapasok na mga tao. May mahal at may mura naman. Mabili ang mansanas at halos lahat naman mabili.”
Ang namimiling si Jelyn Busto ay hindi umano naniniwala sa dulot na suwerti ng mga bilog na prutas kahit namili siya ng mansanas, kiat-kiat at ponkan. “Nasa tao lang yan.”