LUNGSOD NG BALANGA — Halos walang namimili nitong Miyerkules ng isdang tuyo at tinapa sa dried fish section ng public market sa lungsod na ito ng Bataan kaya dumaraing ang mga nagtitinda sa hina umano ng benta dahil sa coronavirus disease.
Ang tuyo at tinapa ay mga pangunahing produkto ng lalawigan na dinadayo pang mga karatig pook.
“Matumal ang benta,” sabi ng babaing tindera na hindi binanggit ang pangalan sa bungad ng hilera ng mga isdang tuyo at tinapa sa malaking palengke.
“Hindi ho siya normal, new normal talaga. Matumal siya talaga, malaking bagay ang nawala sa amin. Halos one-fourth lang hindi pa kitain,” sabi ni Edna Laguim.
“Sa ngayon ho hindi maganda. Ang mga pa–order lang, madaming reseller pero ang tingi hindi masyado. Apektado talaga, dati hindi magkamayaw ang tao dito, eh ngayon malinis na,” daing naman ni Jocelyn.
Tumaas ang presyo ng tuyo at tinapa simula nang nagkaroon ng pandemya dahil sa kakulangan ng supply.
Mula sa P280 ang kilo ng malalaking tuyo, P300 na ito ngayon at ang maliliit na dating P240 ay P260 na.
Ang karaniwang tinapa naman na dating P150 – P160 ay P200 na. Ang tinapang salinas ay P280 na ang kilo mula sa dating P260.
Hindi nagbabago ang presyo ng tinapang bangus na P150 pa rin ang isa depende sa laki. Wala umanong problema sa supply ng bangus kaya hindi tumataas ang halaga.
Ang Balanga City public market ay sumailalim sa pitong araw na lockdown na nagtapos noong ika-7 ng Setyembre matapos ang disinfection at contact tracing sa mga naapektuhan ng Covid–19.
Bago muling magbukas, kailangang magpa-swab ang lahat ng tindera at helper sa palengke.