Benta ng parol humina dahil sa kalamidad

    396
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Ilang araw na lamang at sasapit na ang kapaskuhan ngunit hanggang sa kasalukuyan ay mahina pa umano ang bentahan ng parol dahil sa nagdaang kalamidad.

    Ayon sa mga negosyante ng parol sa lungsod na ito, humina ng hanggang 30 porsiento ang pagbebenta ng parol na epekto ng nakaraang pagbaha na dala ng mga bagyong Ondoy, Pepeng at Ramil.

    Sinabi ng mga lantern makers na sina Erick Quiwa at Jonas Sarmiento, malapit na ang kapaskuhan ngunit humina ang kanilang benta kumpara ng nakaraang taon.

    Ayon kay Quiwa, inaasahan sana nilang lalakas ang kanilang negosyo dahil sa papalapit na eleksyon ngunit dahil sa kalamidad ay nauwi na lamang umano sa relief operations ang pondong dapat sana’y ibibili ng mga government offices ng parol.

    Ngunit ayon naman kay Erning Quiwa, isa sa pinakamatandang manggagawa ng parol sa Barangay Sta. Lucia, sa kabila nito ay inaasahan nilang lalakas pa rin ang bentahan ng parol bago sumapit ang araw ng pasko.

    Nagkakaubusan na rin aniya ngayon ng supply ng capiz na siyang ginagawang parol na patunay na papalakas na ang bentahan nito.

    Aniya, bagamat may nagdaang kalamidad ay tradisyon na ng Pinoy ang parol sa kapaskuhan kayat tiyak aniyang bibili ang mga ito.

    Bagamat mahina ang bentahan ng parol sa lokal na merkado ay malakas naman umano pagbenta nito sa ibang bansa.

    Sa katunayan ay isang bagong disenyo ng parol ang ginagawa ngayon nila Quiwa na yari sa fiber glass.

    Sa kasalukuyan ay inangkat na ito sa ibat-ibang bansa at inaasahan namang sa susunod na taon ay mabibili na rin ito sa lokal na merkado.

    Ang halaga ng parol sa kasalukuyan sa lungsod ng San Fernando ay mula sa halagang P800 hanggang P2,500.

    Isa sa tanyag na parol dito ay ang yari sa capiz.

    Sa kahabaan ng Mac Arthur highway mula San Fernando, Pampanga hanggang sa lalawigan ng Bulacan ay makikita na ang mga nakaparadang binebentang parol.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here