Home Headlines Benepisyo ng 7,704 manggagawa tiniyak ng SSS

Benepisyo ng 7,704 manggagawa tiniyak ng SSS

701
0
SHARE
Ang pagsadya ng mga opisyal ng SSS sa mga delinquent employer sa pagpapatupad ng RACE operations. Kuha ng PIA-3

BOCAUE, Bulacan — Makikinabang ang 7,704 na mga manggagawa sa pribadong
sektor na nakabase sa Bocaue, Balagtas, at Pandi sa Bulacan sa patuloy na Run
After Contribution Evaders (RACE) operations ng Social Security System.
Ayon kay SSS Bocaue Branch manager Evangeline Mananghaya, target mahabol
ang nasa P11 milyon na hindi naihuhulog na mga kontribusyon ng may 1,974
delinquent employers sa nasabing mga bayan.

Kaya’t sa ginanap na RACE operation, may inisyal na anim na mga employer ang
sinadya ng mga opisyal ng SSS. Kinabibilangan ito ng mga nasa sektor ng rice
milling, retail, information technology, at manufacturing na may 88 mga
manggagawa.

Aabot sa 4,380 na mga employer ang nakarehistro sa SSS Bocaue na nasa Pandi,
Balagtas, at Bocaue kung saan ang 2,406 sa kanila ay regular na naghuhulog ng
kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.

Ipinaliwanag ni SSS Luzon Central 2 vice president Gloria Corazon Andrada na
nagagabayan sa pamamagitan ng RACE operation ang mga delinquent employer
kung paano makakabayad sa takdang panahon.

Dito inialok ang paggamit sa Pandemic Relief and Restructuring Program (PRRP3)
condonation na mas pinalawig hanggang Nobyembre 22, 2022.

Ang sistema, kinakailangang ang natukoy na 1,974 na mga delinquent employers
ay makapagsumite sa SSS ng aplikasyon upang magamit ang PRRP3 bago ang
nasabing petsa.

Kapag naaprubahan ng SSS ang aplikasyon, maaari nang bayaran ang hindi
naihulog na kontribusyon na kalakip ang interes at penalties.
Halimbawa, mayroong siyam na buwan ang isang delinquent employer para
makabayad kung nasa P50,000 pababa ang hindi naihuhulog na kontribusyon.
Kung nasa mahigit P10 milyon naman ang hindi naihuhulog, kailangang
makapagbayad ito sa loob ng limang taon.

Binigyang diin ni Andrada na bagama’t hanggang Nobyembre 22, ang palugit para
sa aplikasyon na magamit ang PRRP3, mas mainam aniyang simulan na rin ang
pagbabayad sa loob ng 15 araw mula nang mabigyan ng demand letter na bunsod
ng RACE operation.

Ginagawa aniya ng SSS ang RACE upang matiyak na may makukuhang benepisyo
ang mga manggagawa sa pribadong sektor sakaling kailanganin sa panahon ng
agarang pangangailangan, pensyon sa pagreretiro, at kung may hindi inaasahang
pangyayari gaya ng pagkakasakit o pagkamatay.

Samantala, kapag hindi pa rin nagbayad ang isang employer sa kabila ng iniaalok
na PRRP3 condonation, magsasampa na ng kaso ang SSS sa korte bilang kaukulang
legal na hakbang. — Shane F. Velasco/PIA-3

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here