Home Headlines Benepisyo ng 12,490 manggagawa tiniyak ng SSS Santa Maria

Benepisyo ng 12,490 manggagawa tiniyak ng SSS Santa Maria

607
0
SHARE
Hinihikayat ni Social Security System Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada (kanan) ang mga natukoy na 12,490 na mga delinquent employer sa mga bayan ng Santa Maria, Norzagaray, Angat at Donya Remedios Trinidad sa Bulacan na bayaran na ang mga hindi naihuhulog na kontribusyon na wala nang penalties sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program. (Shane F. Velasco/PIA 3)

SANTA MARIA, Bulacan (PIA) — Tiniyak ng Social Security System (SSS) Santa Maria Branch na hindi mawawalan ng benepisyo ang may 12,490 na mga manggagawa na nagtatrabaho sa mga pribadong establisemento.

Ito ay matapos ang isinagawang Run After Contribution Evaders Operation kung saan nasa anim na delinquent employer sa mga bayan ng Santa Maria, Norzagaray, Angat at Donya Remedios Trinidad ang inisyal na binisita at siningil.

Ayon kay SSS Santa Maria Branch Manager Mylene Siapnokabilang sila sa nasa 2,332 na mga delinquent employer na hinahabol para bayaran ang hindi naihuhulog na kontribusyon para sa kanilang mga manggagawa.

Sa loob ng bilang na ito, 2,062 na mga delinquent employer ang hindi regular na nakakapaghulog ng kontribusyon, 254 ang walang naibabayad at 16 ang mga bagong rehistro na hindi pa rin nakakabayad.

Umaabot sa P112.8 milyon ang hinahabol ng SSS Santa Maria Branch sa nasabing mga delinquent employer.

Iniulat naman ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na nakolekta na ang inisyal na P2.7 milyon mula sa 12 delinquent employer kung saan makikinabang ang 271 nitong mga manggagawa.

Nakasalalay sa bawat hinuhulog na kontribusyon sa SSS dito ang mga benepisyo ng mga manggagawa sa panahon ng panganganak, pagkakasakit, pagkawala ng trabaho, pagkabaldado, pagreretiro, pagkamatay at hanggang sa mailibing.

Kaya naman hindi lang sinita ng SSS Santa Maria ang mga delinquent employer, kundi tinuruan din sila na makabayad nang hindi sisingilin ng mga penalties.

Ito’y sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP).

Ipinaiiral ang CPCoDe MRP sa bisa ng Circular 2022-021 at 2022-021B kung saan hindi na pababayaran sa mga delinquent employer ang mga penalties kung hindi nakapaghulog ng kontribusyon mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.

Kung hindi nakakapaghulog ng kontribusyon bago at makalipas ang nasabing petsa, nasa anim na porsyento na interes ang sisingilin sa mga delinquent employer.

Walang palugit o hangganan na itinakda ang SSS upang makapag-file sa CPCoDE MRP.

Basta’t ang importante ay mai-file ng mga delinquent employer sa CPCoDe MRP upang makatamo ng kondonasyon.

Dahil kung hindi, pababayaran din pati ang penalties at interes bukod sa halaga ng kontribusyon.

May takdang mga panahon naman ang pagbabayad depende sa halaga ng babayaran kahit na walang palugit sa pagpa-file sa CPCoDE MRP,

Ang isang delinquent employer ay maaaring bayaran nang buo ang halaga ng delinquencies sa loob ng 15 araw, kung natanggap na ang liham ng SSS na nag-apruba sa aplikasyon sa pagtamo ng CPCoDE MRP.

Pwede ring hulug-hulugan ng mga delinquent employers ang pagbabayad ng kontribusyon.

Maaring bayaran sa loob ng 12 buwan ang delinquencies na aabot hanggang P100,000.

Kung hanggang P500,000 ang delinquency, maaaring bayaran sa sa loob ng 18 buwan; 24 buwan kung hanggang P2 milyon; 30 buwan sa may halaga na hanggang P5 milyon.

Tatlong taon naman o 36 buwan ang ibinibigay na palugit kung hanggang P10 milyon ang delinquency at 42 buwan sa mga nasa P20 milyon.

Para sa mga delinquent employer na mahigit pa sa P20 milyon ang halaga na dapat bayaran, bibigyan ng apat na taon na katumbas ng 48 na buwan upang ito’y mabayaran ang obligasyon. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here