BCDA magtatayo ng monorail sa Maynila

    336
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Kahit hindi pa nailalatag ang riles ng North Railways (NorthRail) ipinapanukala na ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) ang pagtatayo ng isang monorail para sa kalakhang Maynila.

    Ito ay dahil umano sa wala ng utang na binabayaran ang BCDA, bukod pa sa nasa pangangasiwa na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang NorthRail.

    Ang plano hinggil sa monorail ay inihayag ni Felicito Payumo, pangulo ng NorthRail, sa mga negosyanteng dumalo sa ika-20 North Luzon Area Business Conference (NLABC) na isinagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa Barangay Tikay ng lungsod na ito noong Biyernes, Agosto 12.

    Ayon kay Payumo ang proyektong mono rail ay maaring matapos sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Bernigno Aquino III, dahil nasimulan ang pag-aaral hinggil dito.

    Pangunahing layunin nito ay paluwagin ang daloy ng trapiko sa Ninoy Aquino International Airport, at sa mga lungsod ng Paranaque, Makati, Pasay at Taguig.

    Nasabing proyekto ay iuugnay sa mga kasalukuyang linya ng Light Rail Transit (LRT) at Manila Rail Transit (MRT).

    Ayon kay Payumo, tatlo lamang ang posibleng paraan upang paluwagin ang daloy ng trapiko sa mga nasabing lugar.

    Ito ay sa pamamagitan ng paghuhukay sa ilalim ng lupa, pagtatayo ng riles sa ibat ibang kalsada, at pagtatayo ng elevated mono rail.

    Sa tatlong paraan, ang pagtatayo ng elevated monorail ang may higit na posibilidad dahil  mas mahirap humukay ng lupa para sa subway, samantalang makitid naman ang mga kalsada para lagyan ng riles.

    Kung monorail ang itatayo, sinabi niya na maaaring itayo ang mga poste nito sa gitna ng kalsada na nagsisilbing island.

    “If we will dig underground, it will cause more havoc, and if we will do it on ground, the roads are too narrow especially the MacKinley Road,” aniya.

    Hinggil sa bilang ng tao na maseserbisyuhan, ipinagmalaki niya na aabot sa 13-milyon katao ang makikinabang sa nasabing proyekto.  Ang nasabing bilang ay ang kabuuang populasyon ng kalakhang Maynila.

    Nilinaw rin niya na ang kapasidad ng monorail ay mas mababa kaysa MRT at LRT, ngunit ito ay matutugunan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maraming tren.

    “This is one project that can happen within the term of President Aquino,” ani Payumo.

    Iginiit pa niya na wala ng utang na binabayaran ngayon ang BCDA kaya’t maaari silang mangutang sa pamamagitan ng Overseas Development Assistance (ODA).

    “BCDA has no financial obligation to pay at present, we no longer have any financial burden and we can seek an ODA,” aniya.

    Ito ay dahil sa ang Manila North Tollways Corporation (MNTC) na ang magbabayad ng inutang ng BCDA para sa konstruksyon ng 94-kilometrong Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEx).

    Matatandaan na ipinagkaloob na ng BCDA sa MNTC ang pamamahala sa SCTEX kamakailan.

    Batay sa kasunduan, babayaran ng MNTC ang P34-bilyong utang ng BCDA na ginamit sa SCTEx, bukod sa pagbabayad ng halagang P30-bilyon sa BCDA at pagpopondo ng P21-bilyon para sa pagmamantine sa SCTEx.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here