Bayang walang laya

    759
    0
    SHARE

    “NAGSUOT NG kalmeng bigay ng Espanya, Kalmen nang lumaon ay naging kadena, At itong Amerika na bagong katoto and dala’y de lata, Laya ang kinuha, ininom ang bayang parang Coca-Cola.” Sa iisang talata sa kanyang epikong Bayang Malaya, napunto na ni Ka Amado V. Hernandez ang mismong ubod at buod ng kasaysayan ng bansang Pilipinas.

    Sa isang banda, wari’y nagbungangangpropeta ang makabayang manunulat, at mismong tadhana na ng bansa ang kanyang tinumbok. Ang kadena ng pananampalatayang Kristiyano – bukod tanging atin sa buong Asya – ay ating ibinabando na isang sagisag ng kalayaan mula sa karimlan ng kasalanan at kasamaan.

    Ang katotohanan na ang bansang Pilipinas ang nangunguna sa katiwalian sa buong Asya ay isang mariing sampal kay Kristo mismo. Hindi tayo malaya, bagkus tayo’y alipin ng kasalanan.

    Totoong magdadalawampu’t tatlong taon na ang nakalipas mula nang buwagin ng Senado – at ilibing ng nagngalit na Bulkang Pinatubo – ang mga muog ng imperyalismong Amerikano sa Asya-Pasipiko.

    Subali’t ganap na nga ba ang ating kalayaan mula sa pundilyo ni Uncle Sam? Dikta ng Amerika ang mga patakaran sa ating pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa. Utos ng Amerika ang pamamalakad sa ating pananalapi at ekonomiya.

    Hindi tayo maawat sa pagsuso sa Amerika sa mga kagamitan sa ating tanggulang pambansa, mula sa mga lumilipad na kabaong na kung tawagi’y Huey helicopter, hanggang sa mga pinagsawaan nang mga barko nito.

    Sa pakikipaglaban natin sa terorismo sa loob mismo ng ating bansa, Amerika pa rin ang nagbayad ng pabuya sa mga nagnguso sa mga na-ekis nang mga bandidong Abu Sayyaf.

    Tunay na ngang nalansag na ang mga base militar ng mga Amerikano sa Clark at Subic. Ano naman ang pumalit?

    Ang higit pang masahol na Visiting Forces Agreement na sumakop sa buong Pilipinas bilang palaruang pandigma ng mga hukbong Amerikano. Sa itinatadhana ng VFA, ang lahat ng Pilipino – hindi lamang ang mga mutya ng Angeles at lakambini ng Olongapo – ay maaari nang mga laruang parausan ni GI Joe.

    O baka naman nakalimutan na ninyo si Nicole? Oo nga’t nahatulan si Smith, pero ano naman ang kinalabasan ng kaso? Una, kalong – hindi kulong – ng kanyang mga kauri sa kanilang embahada. Kinahulihan, ganap na pag-abswelto, pagpapalaya, at pag-uwi nito sa Amerika. Kung saan ang biktimang si Nicole ay namahay na rin, sa aruga – umano – ng gubyernong Amerikano mismo.

    Kung pati ang hustisya sa Pilipinas ay dikta ng Amerika, ano ang ipinangangalandakan nating tayo ay tunay na malaya? Hindi pa tayo nagkasya sa VFA, nitong nakaraang mga buwan lamang, ibin andila ng pamahalaan ang Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) dala ng ating pagkasindak sa pananakop ng Tsina sa mga isla sa West Philippine Sea.

    Tunay nga – na isang malikmata lamang, kundi man masamang pangitain ang sinasabing tinatamasang kalayaan ng mga Pilipino, lalo na sa mga nakararaming masa. Muli, isang sipi sa obra maestra ni Ka Amado:

    “Bisig ng nagsaka’y siyang walang palay. Nagtayo ng templo’y siyang walang bahay, Dumungkal ng mina ng bakal at ginto ay baon sa utang, Lingkod sa pabrika ng damit ay hubad ang mahal sa buhay.”

    Hindi lamang sa sariling bayan alipin ang Pilipino. Ang pagkabusabos ng Pilipino ay umikot na sa buong mundo – mula sa disyerto ng Arabia hanggang sa mga pabrika ng Taiwan at Korea, mula sa mga karaoke ng Hapon hanggang sa mga putahan sa Gresya at Cyprus, nitong huli’y pati na rin sa mga bansa sa Aprika, at siyempre pa, ang mga mutsatsa sa Hong Kong, Dubai, Qatar, Singapore at Malaysia, at kung saan-saan pa.

    Isama na rito ang mga mola ng droga na nakaugalian nang bitayin sa Tsina. Tunay na ngang ang Pilipino ay “menial to the world.” Hindi maitatatwang katotohanan na singkahulugan na ng “Pilipino” ang “katulong” na dili nga ba’t ipinasok na sa isang makabagong diksiyunaryong Ingles noong dekada nobenta na buong galit at gigil na kinontra ng ating gobyerno? At muli na namang naulit nitong nakaraang lingo lamang sa isang librong pang-eskwela sa Hong Kong.

    Anumang pagpapalamuting gawin, tagurian mang mga bagong bayaning handog ng Pilipinas sa mundo, ang Pilipino pa rin ay aliping totoo. Sa mismong bayan, alipin ng naghaharing uri, hindi lamang ng mga kapitalista, kundi ng mga inihalal na dapat sana’y nagsisilbi sa kanya. Hindi baga’t pinakamatinding pangaalipin – sa buong sambayanang Pilipino – ang pagnanakaw sa mismong kaban ng bayan na siyang nabubulatlat ngayon sa usaping PDAF, Malampaya at maging sa DAP?

    Mula noon – sa higit na tatlong siglo ng koloniyalismo ng mga Kastila, sa higit sa limampung taon ng imperyalismo ng mga Amerikano, sa apat na taon ng pananakop ng mga Hapon, sa buong buhay ng republika, sa diktadura ni Marcos, sa dalawang EDSA at sa muling pag-iral ng demokrasya kuno – hanggang sa ngayon, iisa pa rin ang panaghoy ng Pilipino:

    “O kay sarap mabuhay
    Sa sariling bayan.
    Kung walang alipin
    At may kalayaan.
    Ang bayang sinisiil,
    Bukas ay babangon din,
    Ang silanga’y pupula
    Sa timyas ng paglaya.”

    Panaghoy na kung hindi maibsan ay
    maaaring magkabigay kaganapan sa isa pang
    babala ni Ka Amado sa kanyang Kung tuyo na
    ang luha mo, aking bayan:

    “May araw ding ang luha
    mo’y masasaid, matutuyo.
    May araw ding di na luha
    sa mata mong namumugto,
    Ang dadaloy kundi apoy,
    at apoy na kulay dugo
    Samantalang ang dugo mo
    ay aserong kumukulo.
    Sisigaw kang buong giting
    sa liyab ng libong sulo
    At ang lumang tanikala’y
    lalagutin mo ng punlo.”

    Tungo sa ganap na kalayaan, tungo sa tunay na demokrasya, isulong, higit pang paigtingin ang pakikibaka.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here