Bayan sa Ecija, ‘drug-free’ na

    456
    0
    SHARE
    LAUR, Nueva Ecija – Itinuturing na ngayong malinis sa operasyon ng sindikato ng ipinagbabawal na gamot ang bayang ito matapos magpalabas ng katibayan ang mga lider ng barangay, simbahan at mga samahang sibiko.

    Ayon kay Senior Insp. Danilo Eduardo, hepe ng pulisya, ang pagpapalabas ng sertipikasyon ng mga opisyal, lider sibiko at simbahan mula sa 17 barangay na nasasakop ng bayan ay resulta ng pinaigting na kampanya laban sa droga.

    “Ito ay batay sa malakas na kampanya sa pangunguna ni Gov. (Aurelio) Umali at ng ating provincial director Senior Supt. Ricardo Marquez,” ani Eduardo.

    Batay sa sertipikasyon, walang drug pusher at sindikato ng ipinagbabawal na gamot ang naitala ng Barangay Anti-Drugs Abuse Council (Badac) hanggang noong mga buwan ng Abril at Mayo.

    “Hindi basta-basta ang pagpapalabas ng certification dahil may mga NGOs at simbahan na kasama rito,” paliwanang ng hepe ng pulisya.

    Ang bayan ng Laur na matatagpuan sa silangang bahagi ng Nueva Ecija ay agrikultura sa pangkalahatan.

    “Generally peaceful ngayon,” ayon kay Eduardo.

    Samantala, inamin niya na sa kasalakuyan ay mga usapin sa pagmamay-ari ng lupa ang nangungunang isyu sa kaayusan ng bayan.

    Matatandaan na isang grupo ng magsasaka sa Barangay Sagana, Laur ang nakikipaglaban para sa pagmamay-ari ng mahigit 100 ektaryang lupain na dating pagmamay-ari ng isang mayamang pamilya.

    Ilan sa mga magsasakang kasapi ng grupo ay nagtirik na ng bahay sa gitna ng bukid at hindi umaalis doon upang matiyak na hindi mapapasok ng mga tauhan ng pamilya ng dating may-ari ang kanilang lupang sinasaka.

    Ngunit maliban dito, ani Eduardo, ay matagumpay ang pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan. Kamakailan lamang, dagdag niya, ay may sampung suspek sa iba’t ibang krimen ang nasakote ng mga elemnto ng lokal na pulisya. Ang apat sa mga ito, aniya, ay nakatala sa most wanted list ng kanilang bayan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here