SUBIC, Zambales – Hindi na mapipigil pa ang pag-angat ng bayang ito na nagsimula bilang 4th class municipality, naging 1st class at ngayo’y napipintong magiging lungsod.
Ayon kay Mayor Jay Khonghun, pasado na ang bayan ng Subic sa mga requirements sa pagiging city nito at aniya tatlo lang naman ang kinakailangan nito ang land area, population at ang income ng bayan. Dugtong pa ng alkalde malaking bagay ang pagpasok ng mga investor sa Subic kung kaya binigyan ito ng importansiya lalo na ang pagkuha sa mga business permit na dapat ay hindi sila pinahihirapan.
Sa bahagi ng edukasyon may sariling kolehiyo ang Subic kung saan umaabot na sa 6,000 hanggang 7,000 mga scholars ang libreng nag-aaral. May mahigit sa 10,000 mga kawani naman sa ibat-ibang kumpanya ang naka-empleyo at lalo pang pinaigting ang Public Employment Service Office (PESO) at isa sa Subic sa pinakada-best PESO sa Region lll.
Ayon pa kay Khonghun malaking tulong sa employment ang Hanjin dahil nabawasan na ang mga tambay at karamihan dito ay doon na nagtatrabaho. Aminado naman ang alkalde na kaakibat ng pag-unlad ng bayan ay ang pagtaas ng crime rate kung kaya iminungkahi ng alkalde ang paglalagay ng karagdagang police station sa Barangay Calapacuan para lalo pang mapaigting ang police visibility.