Bawat residente ng CL magiging kasapi ng PhilHealth sa 2013

    385
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Tiniyak ng mataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bawat residente ng Gitnang Luzon ay magiging kasapi nila sa susunod na taon.

    Ito ang pahayag ni Rodolfo Balog, bise-presidente ng PhilHealth para sa Gitnang Luzon sa isinagawang talakayan noong Martes, Pebrero7 sa lungsod na ito bilang bahagi ng paghahanda sa ika-17 anibersaryo ng pagkakatatag ng PhilHealth na ginunita noong Pebrero 14.

    “By next year, ang target namin ay 100 percent coverage ng PhilHealth sa Central Luzon,” ani Balog.

    Binigyang diin niya na agresibo ang isinasagawang kampanya ng PhilHealth upang higit na maakit ang mga mamamayan na sumapi sa mga programang pangkalusugan.

    Bahagi rin ng kampanyang ito ang pagpapataas ng antas ng serbisyo ng PhilHealth sa mga kasapi katulad ng paglulunsad ng tatlong bahaging electronic system.

    Kabilang dito ay ang nasimulan ng electronic claim validation at susundan ng electronic claim submission, at electronic payment reconciliation.

    Ayon sa PhilHealth, ang pagpapatupad ng mga programang ito ay magpapadali sa pagbabayad ng mga kasapi sa mga pagamutan.

    “Hindi na sila magbabalik-balik sa opistal at sa PhilHealth,” paliwanag ni Arsenia Torres, ang pinuno ng Philhealth sa Area A ng Gitnang Luzon na nakasasakop sa mga lalawigan ng Pampanga, Tarlac, Bataan, at Zambales.

    Batay naman sa tala ng PhilHealth noong Disyembre, umabot na mahigit 7.5-milyon ang benepisaryo ng PhilHealth sa rehiyon na tinatayang may mahigit sa 10-milyon populasyon.

    Ito ay nangangahulugan na halos 75 porsyento na ng populasyon ng rehiyon ang benepisaryo ng PhilHealth.

    Sa kasalukuyan, umaabot na sa 2,871,570 ang rehistradong kasapi ang PhilHealth sa Gitnang Luzon at may 4,631,229 na mga benepisaryo.

    Kabilang sa mga benepisaryo ay kapamilya ng kasapi ng PhilHealth, tulad ng asawa, anak, at magulang.

    “We are nearing 100 percent coverage and we believe we can have 100 percent coverage in Central Luzon by next year,” ani Balog at sinabing bahagi iyon ng pagtugon nila sa panawagan ni Pangulong Aquino para sa universal health care (UHC).

    Samantala, umabot naman sa P2.061-bilyong premium ang nasingil ng PhilHealth sa mga kasapi nito sa nagdaang taon; ngunit ang kanilang ginastos sa pagpapaospital ng mga ito ay umaabot sa P2.948-bilyon.

    Bilang tugon sa katanungan ng Punto, sinabi ni Balog na hindi naman sila nalulugi, dahil hindi pa kasama sa kanilang tala ang binayaran ng mga pribadong kumpanya na ang mga manggagawa ay kasapi ng PhilHealth.

    Ayon kay Balog, ang mga pribadong kumpanya ay karaniwang nagbabayad ng premium ng mga manggagawa sa paghihiwalay ng taon.

    “It only show that more people are enrolling in PhilHealth programs making us the biggest social security agency in the country,” ani Balog.

    Ang PhilHealth ay itinatag noong Pebrero 14, 1995, at sa pagdiriwang ng ng ika-17 taon ng paglilingkod, tiniyak ng mga opisyal nito na higit na palalawakain ang serbisyo ng korporasyon.

    Sa kasalukuyan, umaabot na sa 23 medical at surgical procedures ang mga benepisyong binabayaran ng PhilHealth.

    Bukod dito, magha-hire din ang korporasyon ng 600 nurses upang magsilbing customer relations officer nito sa mga pagamutan.

    Ayon kay Balog, 38 sa nasabing nurses ang itatalaga sa mga piling pagamutan sa Gitnang Luzon.

    Ang mga nasabing nurses ay tatanggap ng suweldong P13,000 o higit pa sa bawat buwan sa loob ng anim na sunod na buwan.

    Ayon sa PhilHealth, layunin ng proyekto na higit na mapabilis ang pagpoproseso sa mga dokumento ng mga pasyenteng kasapi ng PhilHealth.

    Kung sakali namang magiging matagumpay ang nasabing proyekto, itutuloy ito sa susunod na taon at posibleng magdagdag pa ng nurses.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here