(Photo grabbed from web)
BALANGA CITY — Apat na checkpoint ang itinayo sa Bataan upang masuring mabuti ang lahat ng pumapasok na baboy sa lalawigan bilang pag-iingat laban sa African swine fever (ASF), pahayag ng provincial veterinarian ngayong Lunes.
Ayon kay Dr. Alberto Venturina, provincial veterinarian, wala silang namo-monitor na kaso ng unusual death ng baboy sa Bataan tulad ng nababalita sa ibang probinsya na may ASF. “Ang Bataan ay ASF-free,” sabi nito.
Nag-utos umano si Gov. Albert Garcia na agad-agad maglagay ng checkpoint sa Bataan kung saan bawal na ipasok ang mga baboy mula sa infected areas gaya ng Bulacan at Rizal samantalang ang iba naman ay dumaraan sa masusing pagsusuri.
Ang apat na checkpoint, aniya, ay sa Palihan (Hermosa, Bataan), Daan Bago at San Simon (Dinalupihan) boundary ng Bataan-Pampanga at boundary ng Olongapo at Bataan.
“Walang dapat ikatakot. Huwag matakot sa pagbili ng karne ng baboy basta ito ay dumaan sa tamang proseso ng slaughtering. Safe kainin at malinis ang karne ng baboy sa Bataan,” sabi ni Venturina.
Samantala, medyo apektado ang bentahan sa public market sa Balanga City.
Sinabi ni Clarita Jaime, isa sa maraming nagtitinda sa meat section, na mula sa dating P230 ang isang kilo ng karne ng baboy ay bumagsak ito sa P210 – P220.
“Dito lang sa Balanga galing ang karneng baboy namin. Safety dito. Nakita niyo naman ang palengke namin napakalinis,” pagmamalaki nito.
“Kasya lang. Kung dati nakakaubos kami agad, tinatanghali na ngayon. Tiyagaan lang,” sabi ni Jaime tungkol sa pagtumal ng benta nila.
Ang mamimili naman ng karne ng baboy ay may magkakaibang pananaw.
“Wala namang sakit, kasi alam naman naming maganda ang baboy dito. Wala naman. Hindi dito yon,” sabi ni Lanie Pelagio na namimili ng karne ng baboy tungkol sa balitang ASF.
Ang ibang tindera ay buong pagmamalaking nagsasabi na Class A ang tinda nilang karne ng baboy at ipinakita pa ng isa ang meat inspection certificate.
Ngunit hindi maiaalis na may ilan ding apektado. Ang isang babae ay manok ang binili dahil balitang may sakit daw ang mga baboy.
“Mabiling-mabili ang manok, medyo tumaas ang benta namin. Mula sa P140 – P150 per kilo, ngayon P160 na,” sabi ni Ronnie Sularte, tindero ng manok.