Itong halos walang hintong ‘mudslinging’
Ng kampo ng ating Congressman Lazatin,
Laban kay Mayor Ed, kung ating wariin
Ay walang iniwan sa suntok sa dilim
Na kung saan tila sa maling pagsuntok
Ay bumabalandra lang sa isang sulok,
Kung kaya siya rin naman itong halos
Tinatamaan ng sarili niyang suntok
Pagkat lumalabas na siya rin mismo
Ay may gawa yata sa iba po nito,
Gaya na lamang ng milyones umano
Na inutang nang siya ang Alkalde rito
Na di nabayaran hanggang sa matapos
Ang ‘terms of office’ niya, at itong sumunod
Na umupo bilang Alkalde ng Lungsod
Ay bulagsak kaya dumoble pa halos?
Ang naiwang utang ng kanyang sinundan,
Na siyang kay Edpam ay ngayon binibintang?
(Sana naman maging makatotohanan
Itong ating dapat ihayag sa bayan!)
Kung nang dahil lamang sa sulsol ng iba
Patatangay tayo’t maniniwala na,
Yan sa ganang amin di ikagaganda
Ng ating imahe sa mata ng Masa.
Di ko ninanais kampihan si EdPam
O ang sino pa man sa kampo ni Tarzan,
Pero sana naman maging makatuwiran
Ang alin mang kampo sa paglalahad n’yan
Ng tunay na isyu upang di mangapa
Ang bayan kung alin ang talagang tama,
Dahil tunay naman ding nakasasawa
Ang panliligaw sa pamaraang lisya.
Di ko sinasabing ang sinuman sa inyo
Ay di nagsasabi riyan ng totoo,
Pero mas mainam na rin po siguro
Ang tayo ay maging matapat sa tao.
At huwag itong para lang tayo mahalal,
Ipangako nating sungkitin pati buwan
At ang ano pa man na tunay din namang
Mahirap gawin at isakatuparan.
At dahil bantad na ang nakararami
Sa paulit-ulit nating pagsasabi,
Na ang ninanais ay makapagsilbi
Ng tapat sa bayan, pero bandang huli
Ay ganun pa rin at walang pinagbago
Ang ating gawain, tantya kaya ninyo
Ay pamuli nating makuha ang tao
Sa pangakong walang taglay na prinsipyo?
At dahil prinsipyo ang sadyang sandigan
Ng isang matapat na lingkod ng bayan,
Na di maaring sirain ninuman
Sa kislap ng pilak at bunton ng yaman.
Ikaw – na ang puso ay ubod ng linis
At ang budhi’y walang ano pa mang bahid
Na ‘self interest’ ay di maka-iisip
Ng masama laban sa kanyang kapatid
Kundi ng kung ano ang makabubuti
Para sa kapwa at kanilang sarili
Ang siyang mamamahay sa isip parati;
Ikaw ang siyang higit dapat manatili!