ANG PAKSA ng ating ebanghelyo ay tungkol sa pagiging mabuting katiwala, o stewardship sa Ingles. Matatandaan ninyo na minsan meron na akong naibahaging homily tungkol sa Filipino expression na “Bahala na.” Sa pagninilay natin ngayon, gusto ko sanang imungkahi na ang mas magandang salin para sa stewardship ay “pamamahala.”
Kung Bathala ang tawag ng Pilipino sa Diyos, at ito ang pinagmulan ng salitang “Bahala” at ng pandiwang “mamahala,” ibig sabihin may kinalaman para sa ating mga Pilipino ang pamamahala sa pag-alam at pagsasagawa ng kalooban ni Bathala.
Magandang pangunsensya ito sa lahat ng taong pinagkatiwalaan na mamahala, lalong-lalo na ang mga nasa pamahalaan—maging sa national government o local government.
Biro nyo, Filipino lang ang alam kong linggwahe sa buong mundo na gumagamit sa pangalan ng Diyos—Bathala—na pinagmulan ng salitang “bahala” at ng pandiwang “mamahala,” na ugat na salita para sa PAMAHALAAN. Ito ang babala ng ikinwentong talinghaga ni Hesus sa ebanghelyo ngayon. May dalawang klaseng tagapamahala. Iyung namumunong mababa ang loob, may pananagutan at tapat kay Bathala dahil alam nila na pinagkatiwalaan lang sila ni Bathala; at iyung umaastang akala sila na si Bathala, nagsasamantala sa kapangyarihang ipinagkatiwala lang sa kanila. Ang susi ay “tiwala” katiwala ang papel ng namamahala o namumuno sa ngalan ni Bathala. Hindi lang pala public trust o tiwala ng taumbayan ang pundasyon ng pamamahala. Higit sa lahat—Divine Trust (tiwala ng Diyos). Kumakatawan lang, hindi pumapalit, sa pinagmulan ng lahat ng biyaya. Inuuna ang kapakanan ng mga maliliit, mga dehado sa lipunan. Katulad ng ginagawa ng Diyos bilang mabuting pastol, kumakalinga, nag-aaruga, nagtatanggol nagmamalasakit, para sa kapakanan ng kawan.
Palalimin pa natin nang konti. Kaya pala marami tayong iba pang salita na nakaugnay sa “bahala.” Tulad halimbawa ng “mabahala,” na ang ibig sabihin ay maligalig sa ikinaliligalig ng iba, na ang kabaligtaran naman ay ”magwalang-bahala” na ang ibig sabihin ay umastang walang pakialam o tumalikod sa responsibilidad.
Kaya pala sinasabi ng nanay kapag iniiwan ang baby niya sa yaya, “Papasok na ako sa trabaho. Bahala ka na kay Baby, ha? Huwag mo siyang pababayaan.” Ibig sabihin—ikaw ang magsa-Bathala sa kanya dahil si Bathala ay kumakalinga, nag-aaruga, hindi nagpapabaya.
O kaya naman kung minsan nasasabi natin “Bahala na” kapag parang di mo na kaya pero pilit mong kakayanin, hindi dahil naniniwala ka sa sarili, kundi dahil alam mong naniniwala si Bathala sa iyo, sa kakayahan mo. Ang ibig palang sabihin ng Bahala na ay “Gagawin ko ang lahat. Ibubuhos ko ang lahat ng kakayahan ko.” Hindi pala ito basta bulag na paglundag sa dilim kundi matinding pagpapahayag ng tiwala kay Bathalang nagtitiwala rin sa atin.
Panginoon aming Bathala, ipaunawa mo po sa amin ang iyong kalooban upang tunay naming magampanan ang aming mga tungkulin sa iyong dakilang ngalan, upang kami’y tunay na mabahala sa ikinaliligalig ng aming kapwa, at upang kami’y makapamahala nang ayon sa din sa tiwala mo sa amin. Amen.
(Homiliya para sa Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon, 10 Agosto 2025, Lk 12:32-48)