Batas na katatakutan

    509
    0
    SHARE

    Ang smuggling ay isang masalimuot na uri ng katiwalian.

    Bagamat may parusa sa mga nahuhuling sangkot dito, tila laganap pa rin dahil sa tukso ng malaki at mabilis na kita.

    Habang tumatagal, lalong humuhusay at nagiging pangahas ang mga smuggler sa paghahanap ng mga paraan upang makapagpalusot ng kanilang mga kalakal at maka-iwas sa pagbayad ng kaukulang taripa.

    May mga lumilitaw ring kakulangan kapag pinag-uusapan ang ngipin ng batas laban dito.

    Idagdag pa ang “pakikipagsayaw” sa mga smuggler ng mga tiwaling kinatawan, o “kinawatan,” sa Bureau of Customs (BoC).

    Ngunit ang tiyak natin: may smuggling kapag may masisilip na “butas sa batas,” at habang nagkakasundo sa suhulan ang mga smuggler at mga tiwali sa BoC. At lalo na kung nanahimik pa ang taumbayan.

    Ang mga produktong ina-angkat ay dumadaan muna sa Customs para sa inspeksyon at pagsusuri ng kapwa produkto at papeles upang makapagpataw ng kaukulang taripa, alinsunod sa batas.

    May paraan din sa disposisyon ng ilegal na kalakal.

    Mahalaga din na maitanim sa kaisipan ng mamamayan ang papel ng BoC sa pag-iingat sa pang-ekonomiya at pinansyal na seguridad ng bansa.

    Kung mga ilang beses na rin kasing hindi naabot ng gobyerno ang projected income mula sa Customs tariffs, at nagdulot ito ng mga ‘di-inasahang revenue shortfall.

    At anumang kabawasan sa kaban ng bayan ay kabawasan din sa serbisyo. “You cannot give what you do not have.”

    Ang buntot ng smuggling ay humahampas sa bawat mamamayan. Nagiging collateral casualty kung baga sa gera. Kaawa-awa ang mga umaasa sa mga sinisira nitong kabuhayan. Sila’y nalulugi nang walang kalaban-laban.

    Tulad ng pagdagsa kamakailan ng karne ng baboy sa merkado, gayong batay naman sa ulat, nabawasan pa nga ang bilang ng mga backyard hog raisers, maging ang bilang ng mga kinatay na baboy sa mga slaughterhouses sa nakaraang dalawang taon.

    Resulta: bumagsak ang presyo ng naturang karne.. Maraming magbababoy, kabilang na ang mga kabalen sa Pampanga, maging sa Baliwag, Bulacan at Concepcion, Tarlac, na produser ng masarap na tocino at longanisa, ang nalungkot dahil dito.

    Isama na natin ang mga gumagawa ng masarap ding longanisa sa Lucban, Quezon, Cabanatuan City, Ilocos provinces, at Baguio City.

    Naging malaking dagok ito sa local swine industry, lalo na sa hanay ng mga backyard hog raisers na pinagmumulan ng 71% ng kabuuang produksiyon sa bansa ng naturang karne.  

    Pinaka-apektado sa diumanong pork smuggling ang daan-daang libong mahihirap na backyard hog raisers.

    Maging mga magsasaka apektado sa paminsan-minsang pagbaba ng presyo ng bigas, bunsod na rin ng diumanong manaka-nakang rice smuggling.

    Malaking dagok din ito sa integridad ng bansa, sa karapatan nitong magpataw ng karampatang buwis sa kalakal na pumasasok sa ating teritoryo mula sa ibang nasyon.

    Pinahihina tuloy ng smuggling ang kakayahan ng gobyerno na magpadaloy ng yaman at maghandog ng serbisyo.

    Higit sa lahat, sinisira nito ang kaisipan: upang hangarin ang dagling karangyaan na hindi pinagpawisan, at mawalan ng awa sa kapwa na nagiging biktima ng kanilang katiwalian.

    Kaya sinusulong ko ang HB 1694, isang anti-smuggling bill, na magpapataw ng mas malaking parusa sa technical at outright smuggling.

    Magtatalaga ito ng bukas at mas malinaw na mga patakaran sa importasyon at mabibigyan ng may ngiping partisipasyon ang private sector para masugpo ito.

    Para sa agarang pagtuklas ng iregularidad, kailangang magsumite ng advance copies of import manifests sa Department of Agriculture, sa Department of Trade and Industry, at maging sa mga kaukulang grupo sa pribadong sektor.

    Hinihiling ko rin sa panukala ang regular na pagtatala ng mga reference values sa BoC website para matukoy kung mayroong mga under-valuation, gayun din sa pagsasagawa ng mga “spot inspections and periodic audits of Customs bonded warehouses at ecozone locators.”

    May mga probisyon din para sa mga pamamaraan ng disposisyon ng mga nakumpiskang kalakal.

    Kailangan din ang muling pagtatalakay sa mga halaga ng ipapataw na taripa upang maka-agapay ang bansa sa ibang nasyon, alinsunod sa mga napagkakasunduan sa World Trade Organization (WTO), kung saan umaasa rin ang mga papaunlad pang bansa gaya ng Pilipinas na makikinabang sa patuloy na palitan ng kalakal lalo na sa agrikultura.

    Malaki ang papel na pwedeng gampanan ng Kongreso sa pagsugpo ng smuggling. Kailangan magpulong ng Congressional  Oversight Committee on Customs (COCC) na binuo sa ilalim ng RA 7650 na naisabatas noong 1993.

    Pangunahing mandato ng COCC ang pagpapatupad ng Tariff and Customs Code, partikular sa pagsusuri ng mga kargamento.

    Maaaring isagawa ang pagpupulong ng COCC sa BoC mismo kung saan naroon ang mga rekord at upang dagling mapatawag ang sinumang mananagot na opisyal.

    Higit sa lahat kailangan ng gobyerno ang tulong ng mga apektadong grupo sa pribadong sektor.

    Dahil kung may kinatatakutan man ang mga smuggler, ito ay ang walang sinasantong sumbong ng taumbayan.

    Mga kabalen, bukas po ang aking opisina para sa anumang tulungan kontra smuggling.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here