Batang tumatawid nasagasaan, patay

    421
    0
    SHARE

    ABUCAY, Bataan – Hindi na matutupad ang pangarap na maging isang mechanical engineer ng isang batang lalaki matapos masagasaan ng isang Ford Spectrum van na minamaneho ng isang babae sa kahabaan ng MacArthur Highway dito, 5:20 ng hapon ng Martes.

    Kinilala ni Senior Supt. Ricardo Zapata, Bataan police director, ang biktima na si Francis Navarro, 9, Grade 4, nakatira sa kanyang mga Lolo at Lola sa barangay Calaylayan, Abucay.

    Isinugod ang bata sa Isaac and Catalina Medical Center sa Balanga City ngunit makalipas ang 30 minuto ay idineklara itong patay na.

    Batay sa police report, ang bata ay patawid nang mabundol ng van na minamaneho ni Maria Theresa Serafica, 40, ng Tugatog, Orani, Bataan.

    Hinihinala ng pulisya na dahil sa pagkagulat, hindi nakapagpreno ang babae kaya’t nakaladkad at nasagasaan pa ang nakahandusay na bata.

    Halos walang tigil sa pag-iyak ang Lola ng bata na si Lucena Navarro, 51. Ayon kay Luis Navarro, 52, walong buwan pa lamang ay alaga na nilang mag-asawa si Pacoy (tawag sa bata) na una nilang apo. Ito lamang ang kasama nilang mag-asawa sa bahay.

    Madalas, aniyang sabihin ng apo na gusto nitong maging mechanical engineer at sumunod sa amang si Froilan Navarro, isang safety officer sa isang malaking kumpanya sa Qatar.

    Nag-iisang anak si Pacoy at kaya nagtitiis ang ama sa ibang bansa ay upang mabigyan ng magandang buhay ito, sabi ng Lolo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here