SAMAL, Bataan — Isang batang ibong kuwago ang nasabit sa lambat at nahuli ng mag-tiyuhin kasama ang mga isda sa isang bahagi na may tubig sa Barangay Santa Lucia sa bayang ito Huwebes ng tanghali.
Naglatag ng lambat ang mag-amaing sina Joseph Buleche at Jessie Bullet ng Sitio Bubuyog ngunit laking gulat nila na bukod sa isda ay may laman itong ibon na malalaki ang mata.
Pinangalanan nila itong “coronaflu,” pinaghalong coronavirus at bird flu, at pinakain ng alagang daga upang umano’y mabilis na lumakas.
Gusto umano nilang ireport sa munisipyo ang ibon ngunit natatakot naman silang magtagal ito sa kanila dahil sa takot na baka may Covid o bird flu ito.
Masakit man sa kalooban dahil nagustuhan na ang ibon ng mga bata, pinakawalan nila ang kuwago kinabukasan, Biyernes, nang makita nilang malakas na ito.
Nang alpasan sa kamay ni Jessie, mabilis na lumipad ang ibon at humuni na tila nagsasabing “salamat, malaya na ako.”