Home Headlines Bataan Tourism Park inilawan na

Bataan Tourism Park inilawan na

2304
0
SHARE

BALANGA CITY — Inilawan na at nagsisilbing pasyalan simula nitong Huwebes ng gabi ang magandang Bataan Tourism Park na matatagpuan sa tabi ng provincial tourism office malapit sa Roman Highway sa lungsod na ito.

Nagliwanag sa mga kaakit-akit na ilaw at mga pamaskong dekorasyon at pumapailanglang ang mga Chirstmas carol sa lugar na dating madilim at tahimik.

Nababalot ng mga Christmas lights ang mga punong-kahoy at mga halaman na ang ilan ay nag-iiba-iba ang kulay.

May ilang nakahanay na mga roofed structures o gazebo. May ilang maliliit na lagoon na maririnig ang lagaslas ng tubig. May mga halaman at ilang puno sa tabi ng mga lagoon ganoon din ng ilang maliliit at makukulay na Christmas tree.

Inilawan ang ilang baitang ng sementadong hagdan na masayang pinaglalaruan ng ilang bata.

May isang maliit na tila tulay na nasa tabi ng isang lagoon na maririnig ang wari ay musikang lagaslas ng tubig na parang kay sarap hintuan at balikan ang kahapon.

Mararating ang bawat bahagi ng pasyalan sa pamamagitan ng makikinis at malapad na sementadong pathway.

“Napakaganda, magandang pasyalan,” sabi ng lolang si Elna Cortez ng Barangay Camacho, Balanga City habang iniikot ang lugar kasama ang dalawang apo.

Ang open space park ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng provincial government sa ilalim ni Gov. Albert Garcia at Congressman Jose Enrique “Joet” Garcia III, katuwang ang second engineering office ng Department of Public Works and Highways.

“Ito ay bahagi ng isinusulong na healthy lifestyle movement program ni Cong. Joet upang magkaroon ng lugar pasyalan sa ating lalawigan kung saan maaari ring mag-jogging, Zumba, picnic o sightseeing,” pahayag ng governor.

Provincial tourism officer ng Bataan si dating Pilar Mayor Alice Pizarro samantalang chairperson ng provincial tourism council si Gng. Vicky Garcia, butihing ina ng governor at congressman. Pinangunahan ni Bishop Ruperto Santos ang blessing ng park.

 

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here