LUNGSOD NG BALANGA — Nagniningning sa iba’t ibang kulay ng Christmas lights ang malawak na Bataan Tourism Park sa tabi ng Roman Superhighway dito.
Maraming namamasyal at masasabing picture-perfect ang lugar na may mga mang-aawit pa.
Sari-saring palamuti ang umaakit sa mga namamasyal tulad ng iba-ibang Christmas decorations sa tabi ng sapa na may dalawang maliliit na tulay na tila may bubong na balag ng mga Christmas lights.
May mga wari ay gazebo na nagsisilbing silungan kung sasama ang panahon. May malaking tila hugis-puso, katamtamang laking mga Christmas tree at iba.
Bataan Capitol
Higanteng mga parol at ibang Christmas decor ang tumambad sa tahimik na Capitol ground na hudyat ng nalalapit na Pasko.
Iba-ibang hugis ang mga kaakit-akit na mga parol at ibang dekorasyon na nagsasabog ng malamlam na liwanag sa paligid.
Sa bungad, may isiningit na belen sa ilalim ng malaking parol samantalang banig ng mga Christmas lights ang laman ng isang lagoon sa halip na tubig.
Caroling
Nagsimula na ang caroling sa unang araw ng Disyembre bilang hudyat na ilang araw na lamang at Pasko na.
Sa Samal, Bataan, ilang kababaihan na pawang kaanib ng Iglesia Filipina Independiente ang nanapatan sa ilang piling bahay at masiglang umawit ng iba-ibang awiting pamasko kasabay ng pag-indak. Photos: Ernie Esconde