LUNGSOD NG BALANGA — Muling nagdeklara ang Sangguniang Panlalawigan ng Bataan ng state of calamity sa 11 bayan at isang lungsod ng lalawigan nitong Lunes, Agosto 5, dahil sa mga panganib na dala ng oil spill.
Noong ika-24 ng Hulyo, isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan dahil sa pinsalang dulot naman ng Bagyong Carina at ng habagat.
Ang panganib na dulot ng oil spill ay dahil sa magkasunod na paglubog ng mga barkong MT Terra Nova sa Limay at MT Jason Bardley sa Mariveles at pagsadsad ng MV Mirola I sa aplaya ng Mariveles din noong kasagsagan ng habagat at Carina.
Nakasaad sa SP Resolution No. 328, series of 2024, na ipinasa nitong Lunes, ang pangalawang state of calamity ay lubhang kinakailangan dahil sa mga panibagong pinsalang nararanasan ng may mahigit 17,000 mangingisda sa Bataan.
Pinangunahan ni Vice Gov. Cris Garcia, SP chair, ang pagpasa ng resolution at inaprobahan ni Gov. Jose Enrique Garcia 3rd ang deklarasyon ng state of calamity noong Lunes din sa The Bunker, tanggapan ng provincial government.
“Ang langis na namataan sa mga munisipalidad ng Limay, Mariveles, at Bagac sa Bataan ay panganib din sa yamang-dagat na pinagkukunan ng hanapbuhay at pagkain ng mga mangingisda, market vendors, at maging mga transport organizations at iba pang mangangalakal,” sabi ng governor.
Ayon umano sa ulat ng provincial social welfare and development office, tinatayang nasa 10,174 na pamilya sa Limay at 4,822 na pamilya sa Mariveles ang ngayon ay dumaranas ng masamang epekto ng oil spill.
“Sa ilalim ng pangalawang state of calamity, magkakaroon ng karagdagang pondo ang lalawigan upang mabisang makapagpatupad ng mga hakbangin sa pagsugpo ng pinsalang dala ng oil spill at upang makapagbigay ng agarang tulong at serbisyo sa mga apektadong residente,” dagdag ni Garcia.
Ang unang state of calamity ay idineklara dahil sa malawakang pagbaha at pagkasira ng mga pananim at palaisdaan sa Bataan. “Ang Bagyong Carina at habagat ay nakaapekto sa may 190,169 pamilyang Bataeno at nakapinsala ng mahigit P35,730,413 na ari-arian, pananim at fisheries,” sabi ng governor.