LUNGSOD NG BALANGA — Kung batayan ang mga nasirang bahay, landslide, natumbang mga poste ng kuryente, nasirang mga pananim, at mga taong lumikas sa mga salantang dulot ng bagyo, masasabing hindi masiyadong naapektuhan ni Egay ang Bataan.
Hanggang ngayong hapon ng Miyerkules ay walang naiulat na baha o anomang malaking pinsalang idinulot sa Bataan ang bagyo na nanalasa sa Northern Luzon.
Kahit sa dating bahaing bayan ng Hermosa ay wala pang naiulat na baha, batay sa report ng municipal disaster risk reduction management office.
Lumakas ang hangin at ulan madaling-araw ng Miyerkules ngunit hindi sapat upang magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.
Maghapon nitong Miyerkules ay hindi masiyadong lumakas ang buhos ng ulan. Dahil pabugso-bugso lamang ang ulan, hindi pa napuno ng tubig ang mga pinitak na may tanim na palay. May kaunting bahagi ng MacArthur Highway sa bayan ng Orani ang may sanap-sanap na tubig.
Sa kabuuan, ang Roman Superhighway at MacArthur Highway ay nadadaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Tila lumipas na ang panahon na dati-rati bawat bagyo ay may baha sa Bataan lalo na sa Hermosa at Dinalupihan.
Dahil sa sama ng panahon, idineklara ni Gov. Jose Enrique Garcia 3rd na walang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan maliban na lamang sa mga ahensiyang may kaugnayan sa medical at disaster response.
Kanselado rin ang klase sa lahat ng antas, pampubliko o pribado man. (30)