Home Headlines Bata patay sa sunog

Bata patay sa sunog

741
0
SHARE

MARIVELES, BataanIsang batang babae ang namatay matapos akalain ng mga kaanak na kasama nila ito sa paglabas sa nasusunog nilang three-storey residential building dito Biyernes ng hatinggabi, ngunit naiwan palang natutulog ito.

Kinilala ni Ricardo Buensalida, 71, ang kanyang nasawing apo na si Rica Marie, 8, Grade 3.

Nang makita umano ng lolo nasusunog na ang kanilang bahay, binatak at ginising niya sa Rica Marie at ang kapatid nitong kasamang natutulog sa isang kama.

“Ang nangyari, ang nakatatandang kapatid na lalaki ang bumangon. Nakita ko ang apoy na talagang papalapit na ng husto na pwede talaga kaming mamatay kapag hindi kami nakababa. Ang buong akala ko inaalalayan na ito ng kapatid na bumangon na, yon pala ang pagkakagising ko sa bata nagbago lang ng pwesto at tulog pala,” sabi ng lolo.

Nang nasa ibaba na umano sila, hinanap ng isa niyang anak si Rica Marie na akala niya ay kasama nilang nakababa ng bahay. Gusto itong balikan ng kapatid ngunit pinigilan daw ng lolo dahil dilikado at napakalaki na ng apoy.

Ang sunog, anang matanda, ay nasa third floor na samantalang si Rica Marie ay nasa second floor. Naibaba raw ng bumbero ang bata ngunit ito’y patay na.

Sinabi ng lolo na mag-aalas-12 ng hatinggabi ng Biyernes at silang mag-aanak ay patulog na nang biglang may sumigaw ng “sunog” kaya lumabas siya ng bahay at nakita ang usok na parang mapula-pula sa gilid ng siwang ng pinto ng kanilang boarding house na walang nakatira.

Sa tingin daw niya ay nagsimula ang apoy sa bandang dulo pero nagtataka siya dahil wala namang nakatira doon at wala pang kwarto dahil kinain ng anay ang mga plywood nito.

Ayon kay Fire Inspector Geronimo Valdez, hepe ng Bureau of Fire Protection sa Mariveles, nakatanggap sila ng tawag na may sunog sa Laya Street ngBarangay Poblacion alas-12:34 ng madaling-araw ng Sabado,

Dumating, aniya, sila sa fire scene alas-12:36 at nagdeklara ng fireout 1:25 ng umaga ng Sabado.

Tinataya ni Valdez na ang apoy ay nag-iwan ng pinsala sa ari-arian ng halagang P210,000. Kasalukuyan pa umanong sinusuri kung ano ang dahilan ng sunog.

Bukod sa nasawing  bata, nagtamo ng first degree burn sa kamay si Noel Castro, 41, tiyuhin ng namatay, sabi ni Valdez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here