Bata patay sa meningo sa Bulacan

    380
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Sa ikalawang pagkakataon, mabilis ang naging pagkilos ng Bulacan upang mapigil ang sakit na meningococcemia na hinihinalang naging sanhi ng pagkamatay ng isang taong gulang na grade 2 pupil sa Bulacan.

    Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, ang hepe ng provincial public health office (PPHO), agad silang nagsagawa ng contact tracing sa mga kaklase ng biktima sa Bangkal Elementary School at maging sa tahanan nito sa barangay Bangkal dito.

    Kasunod nito ay ang paglilinis sa kapaligiran at pag-spray ang disinfectant sa silid aralan at paligid ng eskwelahan at maging bahay ng biktima.

    “So far, wala pa kaming nakitang kaklase at kaanak ng biktima na nagpakita ng sintomas kung sila ay nahawa, pero tuloy pa rin ang aming monitoring,” ani Gomez.

    Ang pagsasagawa ng paglilinis ay kaugnay ng pagkamatay ng isang walong taong gulang na mag-aaral na nasa ikalawang baitang ng Bangkal Elementary School.

    Hindi ibinigay ng PPHO ang pangalan ng biktima na agad ding inilibing, ayon sa kanila ay nagpakita ng mga sintomas ng kinatatakutang sakit na meningococcemia.

    Batay sa ulat, may mga sintomas ng meningococcemia ang namatay na batang  bababe matapos makaranas ng mataas na lagnat at pagkakaroon ng mga pulang marka sa balat nito.

    Ayon kay Gomez, sa unang araw ng mga sintomas ng bata ay nanghihina na ito at agad na isinugod ng mga kaanak sa pinakamalapit na ospital.

    Dagdag pa ni Gomez, mga tatlong oras lamang mula ng ito ay tanggapin sa pagamutan ay agad na namatay ang biktima.

    Lumabas aniya sa pagsusuri na kinakitaan ng mga sintomas ng sakit na meningococcemia ang bata at pumalya na ang mga vital organs nito.

    Nanawagan din si Gomez sa publiko na maging mapagmatyag at mapanuri at sa sandaling kakitaan ng sintomas ng naturang sakit ay agarang magtungo sa pinakamalapit na ospital at ng hindi na kumalat pa ang naturang sakit.

    Ipinayo rin niya ang pagpapanatiling malinis sa kapaligiran maging sa loob ng tahanan at palakasin ang resistensya pangangatawan upang makaiwas sa sakit na ito.

    Bukod dito, ipinayo rin ni Gomez ang pagkain ng mga masusustansyang pagkain at  palagiang paghuhugas ng kamay bago kumain upang makaiwas aniya na dapuan ng karamdaman tulad ng meningococcemia.

    Ang nasabing kaso ay ikatlo na sa Bulacan sa loob ng taong ito.

    Una ay sa bayan ng Calumpit, kasunod ay sa lungsod ng San Jose Del Monte.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here