ORANI, Bataan — Natagpuang patay Miyerkules ng umaga ang isang batang hinihinalang nalunod sa isang mini dam sa isang sitio dito Martes ng hapon.
Kinilala ni Regina Jose, hepe ng municipal disaster risk reduction management office, ang nasawi na si Jarred Laurenz Dabu, 11, ng Sitio Alikabok, Barangay Bayan.
Sinabi ni Jose na batay sa kanilang pagtatanong, inutusan ang bata ng ina nito upang bumili ng itlog ngunit hindi na ito bumalik ng bahay.
Napag-alaman umano na nayaya ito ng ibang mga kabataan at nagpunta sa isang mini dam sa Sitio Masapsap na sakop din ng Barangay Bayan.
Sa kuwento ng mga kasamahan, parang sabik na sabik na tumalon ang bata sa dam ngunit hindi na ito lumitaw sa tubig, sabi ni Jose.
Hinanap daw ng mga bata ngunit hindi na nakita ang biktima kaya tumawag ang mga ito ng saklolo.
Nagsagawa ng rescue operation ang mga kasapi ng MDRRMO, pulisya, Bureau of Fire Protection at iba pa Martes ng hapon hanggang gabi ngunit hindi natagpuan ang bata.
Kinabukasan, Miyerkules, ay doon pa lamang natagpuan ng rescue team ang wala nang buhay na katawan ng bata.