Bata nag-charge ng cellphone, patay

    478
    0
    SHARE
    HERMOSA, Bataan – Pinutol ni kamatayan ang pangako ng isang bata sa kanyang amang tatlong buwan pa lamang na nagtatrabaho sa ibang bansa bilang forklift operator

    “Ako si Erwin Macaspac, mag-aaral akong mabuti para sa paghihirap ng Papa ko sa abroad.” Ito ang umano’y huling sulat sa tila comics na drowing ni Erwin, 14, third year high school, ng barangay Palihan, Hermosa, Bataan.

    Ayon kay Mylene Macaspac, umuwi ang kanyang anak na panganay bandang ala-una ng madaling-araw noong Biyernes matapos maglaro ng basketball. Hiniram, aniya, nito ang kanyang cellphone at isinaksak ang charger sa isang convenience outlet.

    Narinig umano niyang sumisigaw ang anak ng “Mama, mama, nakuryente ako!” Ayaw aniya silang palapitin upang hindi sila madamay na makuryente subalit niyakap pa rin niya ang anak na bumagsak sa kanilang sahig na semento. Pilit pa rin umano siyang itinutulak ng bata.

    Walang malakas na daloy ng kuryente diumano siyang naramdaman kundi parang ground lamang habang yakap niya ang bata. 

    Isinugod ito sa ospital subalit sa bahay pa lamang, aniya, ay alam na niyang wala na ang kanyang anak.

    Maaari diumanong idinidiin ng bata ang charger sa outlet ngunit hindi napansin na nakalitaw ang isang plug dahil isa lamang sa halip na dalawa ang nakapasok sa saksakan. 

    Sa pagbagsak sa sahig, nahatak umano ng anak ang wire pati outlet na nakakabit sa isang dingding ng maliit na bahay.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here