Barangay Pugad kumilos upang proteksyunan ang nalalabing bakawan

    368
    0
    SHARE
    HAGONOY—Bawal pumutol ng bakawan.

    Ito ang may babalang mensahe ni Kap. Ramon Atienza ng Barangay Pugad na matatagpuan sa baybaying dagat ng bayang ito bilang bahagi ng pagbibigay ng proteksyon sa nalalabing hanay ng mga puno ng bakawan at api-api na nakaharap sa Manila Bay.

    Sa mahabang panahon ang mga nasabing puno ay nagsilbing panangga ng mga pilapil ng palaisdaan sa malalakas na alon lalo kapag may bagyo.

    Ang mga naglalakihang ugat nito ang nagsisilbing tahanan ng maliliit na isda, at ang mga dahon at sanga ay nagsilbing kanlungan ng mga ibong pagod sa paglipad.

    Ngunit sa nagdaang limang taon, unti-unting nabawasan ang makapal na hanay ng mga puno ng bakawan at api-api sa baybayin ng Barangay Pugad.

    Bilang katunayan, ipinakita sa Punto ni Kagawad Alfredo Lunes ang mga putol na puno ng bakawan at api-api. Karaniwan sa mga putol na puno ay patay na.

    “Makapal dati yan, halos gubat yan,” ani Lunes.

    Iginiit pa ni Lunes na ang malalaking puno ng bakawan ay pinuputol upang gamitin sa bangka at bahay, samantalang ang iba ay ipinanggagatong bilang uling.

    “Maganda kasing uling ang bakawan, hindi agad nauupos,” ani Kagawad Dave Concepcion.

    Ipinaliwanag ni Concepcion na hindi mga residente ng Pugad at kalapit na barangay ng Tibaguin ang pumuputol sa mga punong kahoy sa tabing dagat.

    “Mga taga-ibang lugar, talagang dinadayo pa nila,” ani Concepcion.

    Pinatunayan naman ito ni Kap. Atienza at sinabing, “kaming mga taga-rito, alam naming ang kahalagahan ng mga puno ng bakawan at api-api kaya hindi naming ginagalaw iyan.”

    Dahil sa unti-unting pagkaubos ng mga puno, sinabi ni Atienza na naglagay sila ng mga karatula sa hanay ng mga puno upang magsilbing babala.

    Bukod dito ay may mga tanod at ilang residente ring regular na nagbabantay sa mga bakawan kung gabi upang pigilan ang sinumang puputol sa mga punong kahoy.

    Tiniyak naman ng ilang residente ng Pugad na mapaparusahan ang sinumang puputol ng mga bakawan.

    “Pasensyahan na lang sila kapag nahuli sila, eh buhay namin ang nakataya kapag tuluyang naubos yan,” ani ng isang piloto ng bangkang pampasahero na bumibiyahe papuntang kabayanan ng bayang ito at pabalik sa nasabing barangay.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here