Mistulang ghost town ang Barangay Talampas matapos ipatupad ng pamahalaan ang hard lockdown matapos magpositibo sa corona virus ang isang residente.
BUSTOS, Bulacan — Nagmistulang ghost town ang Barangay Talampas nang ipatupad dito ang hard lockdown mula alas-5 ng hapon nitong Biyernes matapos maitala ang unang kaso ng coronavirus disease sa lugar.
Ibinaba ni Mayor Francis Albert Juan ang atas na hard lockdown nang magpositibo na kumpirmadong kaso ng Covid-19 ang isang 70–taong–gulang na lalaking residente dito.
Posible aniyang nahawa ang lalake sa isang ospital sa kalapit bayan nitong Baliwag dahil nagda-dialysis ito doon.
Inatas na rin ng alkalde ang pagsasagawa ng contact tracing at swab testing sa mga nakasalamuha ng pasyente.
Ayon kay Juan, walang maaaring lumabas at pumasok na mga sasakyan o tao sa ilalim ng total lockdown.
Siniguro naman ni Juan na may sapat na food packs sa buong barangay habang pinapatupad ang hard lockdown kayat hinihingi niya ang pakikiisa ng mga residente upang malabanan ang paglaganap ng sakit.
Magtatapos ang hard lockdown ganap na 11:59 ng gabisa Mayo 25.