Agad na ipinatupad ang lockdown sa Sitio Zulueta batay sa kahilingan ng mga residente.
LUNGSOD NG MALOLOS — Isinailalim sa lockdown ang Sitio Zulueta sa Barangay Sto. Rosario dito matapos magpositibo sa rapid diagnostic test sa Covid-19 ang isang residente ng katabi nitong Barangay Santiago.
Ayon kay Barangay Santiago chairman Leonardo Ramos Jr., isang 40–anyos na lalake sa kanilang lugar ang nagpositibo nang magsagawa ng rapid testing sa pinagtatrabahuhang kumpanya.
Asymptomatic, aniya, ang lalake at nalaman lamang na may Covid-19 matapos sumalang sa rapid testing.
Maging ang pamilya nito ay isinailalim na sa home quarantine at nagsasagawa na rin ng contact tracing sa mga nakasalamuha ng nasabing lalake.
Humingi na rin siya ng tulong sa Malolos LGU na ma-swab test ang lalake para malaman kung magpopositibo nga ito sa coronavirus.
At dahil mabilis na kumalat ang balita at natakot ang mga residente ng Sitio Zulueta ng Barangay ng Sto Rosario na katabi ng Barangay Santiago ay agad na isinailalim ito sa full lockdown kahapon.
Ayon kay Barangay Sto Rosario chairman Carlito Cruz, siya na ng nagdesisyon na agad na i-lockdown ang isang sitio dito batay na rin sa kahilingan ng mga residente doon.
Mananatili aniya ang pagpapatupad nito habang hinihintay pa nila ang kumpirmasyon kung positibo talaga ito sa Covid-19 kung maisasalang sa swab test.
Siniguro naman ni Cruz na may sapat na relief goods ang mga residente dito habang umiiral ang nasabing lockdown.