BALAGTAS, Bulacan — Isinailalim sa lockdown simula kaninang alas-12 ng tanghali ang Barangay Panginay sa bayang ito, matapos may dalawang residente dito na nagpositibo sa coronavirus.
Ayon kay barangay chairman Rolando Santiago, ipatutupad ang lockdown hanggang sa July 3 ng hatinggabi.
Aniya, ito ay alinsunod din sa guidelines ng IATF na kapag nagkaroon ng dalawang nagpositibong kaso ng Covid-19 sa isang barangay ay maaring ipatupad ang lockdown.
Habang nasa total lockdown ay mahigpit na ipatutupad dito ang 24-hour curfew, liquor ban, social distancing, pagsusuot ng face mask, paggamit ng alcohol at disinfectant. Tanging ang papayagan lamang na lumabas ng bahay ay ang mga authorized person outside residence o APOR.
Magtutuwang naman ang lokal na pamahalaan at barangay para sa ayuda sa mga residente habang pinapatupad ang lockdown.
Sinasabing ang dalawang nagpositibo dito sa coronavirus ay isang 54–anyos na lalaki at isang 38–anyos na babae at patuloy na ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito.
Nalamang nasa walo na ang kabuuang nagpositibo sa Covid-19 sa naturang bayan kabilang ang isang 48–anyos na lalaki na binawian ng buhay.