Home Headlines Barangay kapitan kay Speaker Cayetano: Bawiin ang pahayag na lahat ay mabibiyayaan...

Barangay kapitan kay Speaker Cayetano: Bawiin ang pahayag na lahat ay mabibiyayaan ng SAP

3157
0
SHARE

Binabasa ni Barangay Liang chair Leony De Belen ang panawagan ng mga kapitan kay Speaker Cayetano. Kuha ni Rommel Ramos



LUNGSOD NG MALOLOS — Nananawagan ang mga kapitan
ng barangay dito kay House Speaker Allan Peter Cayetano na bawiin ang pahayag sa social media na lahat ng pamilya ay mabibiyayaan ng tulong pinansyal sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) Bayanihan Fund: Tulong Laban sa Covid-19.

Dahil dito ay nagpulong ang mga kapitan ng barangay ng Malolos para pag-usapan ang kinakaharap nilang problema dahil hirap silang magpaliwanag sa kanilang mga kabarangay ng sitwasyon na ang katotohanan ay hindi naman lahat ay mabibigyan ng tulong mula sa SAP.

Anila, sa Malolos ay nasa 70,000 ang bilang ng pamilya ngunit nasa 32,500 lang ang mabibigyan ng pondo batay naman sa pakikipag-ugnayan nila sa Department of Social Welfare and Development.

Ngunit daw dahil sa anunsyo ni Cayetano sa social media na ang lahat ng pamilya ay mabibigyan ng tulong pinansyal ay nagagalit ngayon ang kanilang mga nasasakupan at inaakusahan pa sila na kinukupit nila ang pondo.

Ayon kay Leony De Belen, chairwoman ng Barangay Liang at tagapagsalita ng grupo, sa kanyang barangay ay 383 ang bilang ng household ngunit 200 lamang ang mabibigyan ng tulong.

Kayat problema niya ngayon kung paano sasalagin ang galit ng 183 na pamilya na umaasa na mabibigyan din ng pondo.

Ganon din aniya ang sitwasyon ng kaniyang mga kasamang kapitan kayat nananawagan na sila kay Cayetano na bawiin ang pahayag dahil magmula daw ng ipairal ang enhanced community quarantine ay hindi na sila halos nakakapagpahinga.

Binigyang diin pa ni De Belen na kung talagang nais ni Cayetano na ang lahat ay mabigyan ng tulong ay maglaan ng dagdag pondo at maglabas ng tamang guidelines nang sa gayon ay hindi sa mga kapitan ang bunton ng sisi ng publiko.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here