CABIAO, Nueva Ecija – Patay kaagad ang isang barangay chairman na siya ring pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) ng bayang ito samantalang dead on arrival sa ospital ang kanyang kasama matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang lalaki habang sakay ng isang single na motorsiklo bandang alas-11:30 ng gabi nitong Linggo sa kahabaan ng national highway, Barangay Alua, San Isidro, Nueva Ecija.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Barangay Bagong Silang chairman Joel Vinuya, 48, na ex-offi cio member ng sangguniang bayan, at Ronaldo Caingat, 37, nagmamaneho ng motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng mga biktima ang national highway nang biglang silang pagbabarilin ng mga kalalakihan na sakay ng isang itim na pick-up na may dalawang motorsiklong nakaagapay.
Ayon kay PO3 Jason Joson, imbestigador, narekober mula sa pinangyarihan ng pamamaril ang 16 na basyo ng .45 pistola.
Wala sa listahan ng drug personalities ang dalawang biktima kaya’t mahigpit na iniimbestigahan ngayon ng mga pulis ang lahat ng anggulo, kabilang na ang pulitika.
Naglaan ng P100,000 na pabuya si Mayor Ramil Rivera para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkadakip ng mga salarin.