Home Headlines Baon sa paglalakbay

Baon sa paglalakbay

586
0
SHARE

HAPPY FATHER’S Day po. Sa araw na ito ng Corpus Christi, ang gusto kong
paghugutan ng inspirasyon sa aking pagninilay ay ang isang bagay na alam na
alam ng lahat ng mga tatay—ang BAON. Minsan makikita mo sila, nakabisikleta
patungo sa trabaho, lalo na ang mga construction workers. May dalang backpack.
Pag binuksan mo ang backpack niya, siguradong isa sa mga makikita mo sa loob ay
lunchbox o pombrera, o nakabalot na pagkain. Ito ang BAON niya sa tanghalian.
Maliliit pa tayo, sanay na tayo sa konsepto ng BAON. Baon ni Junior, pagpasok sa
school. Baon ni ate sa biyahe papuntang Saudi bilang OFW. Kung minsan, kahit
ang nakikain na sa piyesta pinababaunan pa pauwi.

Ang baon ay pantawid-gutom sa paglalakbay. At alam natin na ang buhay mismo
ay isang paglalakbay. Para sa ating mga Katoliko ang Eukaristiya ay baon natin sa
landas ng buhay para maabot natin ang buhay na walang hanggan.
Alam nyo ba na ang tradisyunal na tawag sa komunyon na ibinibigay ng pari sa
mga nag-aagaw-buhay ay VIATECUM? Salitang Latin, at ang literal na ibig sabihin
nito sa Tagalog ay BAON MO SA DAAN.

Minsan may napanood akong eksena sa sine, isang nanay na naghahanda ng
babauning tanghalian ng anak niyang papasok sa school. Naikwento daw kasi ng
titser na isa sa mga pinakamabait na batang nakita niya sa school ay ang anak
niya. Hindi siya kumakain mag-isa, laging may kasalo. Ang pinipili niyang kasalo ay
iyong walang baon o kaunti lang ang baon. Binabahaginan niya. Noon
naintindihan ng nanay kung bakit parang gutom pa rin ang anak niya pag-uwi.
Mula noon, dinadagdagan niya ng kaunti ang baon—extrang hiwa ng manok,
extrang saging, extrang cupcake. Laging ubos.

Pero pag-uwi ng bata ang dami niyang baon na kuwento, kuwento ng mga bagong
kaibigan na nakilala. Siguro iyon talaga ang konsepto ng baon, batay sa ating
ebanghelyo sa araw na ito ng Corpus Christi.

Binago ni Hesus ang kaisipan ng kanyang mga alagad tungkol sa baon. Palagay ko
nagugutom na rin kasi ang mga alagad kaya gusto nila na sabihan ni Hesus ang
mga tao: “Time-out o break muna. Magkanya-kanya na muna tayo—may dala
namang kanya-kanyang baon ang mga iyan.” Sila ang dala nilang baon para sa
kanila lang: limang tinapay at dalawang isda.
Noong nakaraang Linggo ng Holy Trinity, nabanggit ko iyong reaction ko sa tipo ng
mentalidad lumalakas ngayon. Ang pagka-KANYA-KANYA na napaka-

individualistic. Halimbawa, ang mga madalas ipaskel na paunawa sa mga
kabarangay: TAPAT KO LINIS KO. Sabi ko, bakit naman ganoon? Hindi ba
puwedeng BARANGAY NATIN LINIS NATIN? Walang uunlad sa paligid natin kapag
wala tayong pakialam sa kapwa, kapag wala tayong malasakit sa kapakanan ng
iba, iyong tinatawag sa Ingles na COMMON GOOD. Kaya bumababa ang sense of
community kahit sa mga urban poor areas – magkakapitbahay pero hindi
magkakakilala, hindi nagdadamayan.

Isa pang hindi magandang prinsipyo ay KKB – “kanya-kanyang baon.” Di ba sa
karanasan, kapag nagkanya-kanya tayo, mas madali tayong maubusan? Pero
kapag nagsama-sama, ang konti dumarami, tulad ng sa POTLUCK? Noong
nakaraang Metropolitan Synodal Assembly, ang bawat diocese nagdala ng baon
na pasalubong para sa mga taga-ibang diocese. Syempre nagdala kami ng sapin-
sapin ng Malabon. Grabe, mas marami pa ang iniuwi namin kaysa dinala namin:
may kasuy, may inipit, may hopia, may biscocho, mayroon pang kakanin na
tinatawag na “sikreto ni Lola.”

Kaya ang suggestion ko, imbes na KKB kapag picnic, baka mas maganda ang SSB,
sama-samang baon.

Ano ang binagong mentalidad ni Hesus sa kanyang mga disipulo sa kuwento?
Iyong “pagka-kanya-kanya.” Para sa mga alagad, iyun ang “realistic”. Alangan
naman daw na pakainin nila ang lahat. Wala namang ilusyon si Hesus na
pakakainin niya ang lahat. Di ba siya rin, minsan nasabihan niya si Hudas nang
umangal ito na diumano’y sinayang daw ni Maria ng Betania iyong napakamahal
na pabango na ibinuhos lang sa paa ni Hesus? Di ba sinabi rin ni Hesus kay Hudas,
“Ang mga dukha, lagi ninyong makakasama. Pero ako, hindi lagi.” Sinabi niya iyon
noong malapit na siyang arestuhin at ipako sa krus. Noong gabi ng kanilang huling
hapunan – noon niya ipinaunawa sa kanila na ang pinakamahalagang ibig niyang
ipabaon sa kanila ay hindi tinapay at alak kundi katawan at dugo niya. Sa madaling
salita, buhay niya.

Tingnan mo ang mga tatay natin. Ang iba sa kanila matagal nang wala na dito sa
mundo – pero ang mga iniwan nilang mga pabaon sa atin, nariyan pa rin, dala pa
rin natin, pinagyayamanan pa rin natin, PANTAWID NATIN. Ang iminulat sa atin,
ang edukasyon na tinanggap natin, ang mga pinagpaguran at iniwan sa atin, ang
buhay natin.

Iyon pala ang tunay na kahulugan ng Eukrasitiya. Ang mas mahalaga na babaunin
natin kaysa pagkain, ari-arian, at mga abilidad ay ang malasakit natin sa isa’t isa na
nagiging udyok upang ibahagi natin ang anumang bitbit natin. Hindi lang kanin at
ulam kundi dugo, luha, at pawis natin. Hindi lang tinapay at alak kundi katawan at dugo,
buhay natin. Ang pinagsamahan, ang pinagsaluhan, ang nabubuong pagkakaisang-puso at diwa,
ito ang talagang magtatawid sa atin na baon sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan.

(Homiliya para sa Kapistahan ng Corpus Christi, ika-19 ng Hunyo 2022, Lk 9:11b-17)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here