LLANERA, Nueva Ecija — Hinikayat ng isang pinuno ng National Historical Commission (NHC) ang mga digital content creators na lumikha ng mga materyales na nagtuturo ng kasaysayan upang maituro ito sa mga kabataan.
Ayon kay Dr. Emmanuel Franco Calairo, chairman ng NHC, ang history ay “nagbibigay ng basic values” na dapat natutunan ng mga kabataan na sa panahong ito ay masyadong abala sa maraming bagay, lalo na sa social media.
Si Calairo ay panauhing pandangal sa pasinaya ng Bantayog ng Sulong Llanera at nina Gen. Mariano Llanera at Gat. Jose Rizal sa bayang ito sa pangunguna ni Mayor Ronie Roy Pascual kaugnay ng paggunita sa ika-127 anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija nitong ika-2 ng Setyembre.
“Kaya dapat, yung mga social media na ang content ay hindi sa kasaysayan ay maglagay sila ng content para maski na sa social media ay natututo ang mga kabataan using our history,” saad ni Calairo sa panayam ng Punto!
Kaugnay nito ay ipinahayag ni Calairo ang kahalagahan ng mga bantayog na itinayo ng lokal na pamahalaan. “Nagbabago na ang landscape ng ating lalawigan. Marami nang mga building, marami nang mga dayo, kailangan ng mga kabataan na may nakikita na mga pamana ng ating lahi.”
Napakalaking bagay aniya ng paglalagay ng bantayog bilang paalala na si Llanera ay may malaking ginampanang bahagi sa kasaysayan ng bansa.
Batay sa mga tala ng kasaysayan, si Llanera na gobernadorcillo ng Cabiao, Nueva Ecija, ay nanguna sa may 700 na lumusob sa bayan ng San Isidro (Factoria) noong ika-2 hanggang ika-5 ng Setyembre 1896 bilang tugon sa panawagan ni Andres Bonifacio sa Pugad Lawin (Unang Sigaw sa Pugad Lawin).
Kasama nila ang malaki ring grupo mula sa Gapan na pinamunuan ni Pantaleon Valmonte, isa ring gobernadorcillo.
Nakiisa sa kanila ang grupo ni Gen. Manuel Tinio at Col. Alipio Tecson. Kasama ang iba pang puwersa mula sa kalapit na bayan ng Arayat, Deliquente (San Antonio) at Jaen, umabot umano sa 3,000 ang puwersang Filipino bagaman at nasa 100 daan lamang sa kanila ang may riple.
Dahil dito ay kinailangan nilang itago ang paglusob sa pamamagitan ng brass band at nagkunwang nagmamartsa lamang upang ipanawagan ang pagpapalaya sa mga bihag ng Kastila sa Factoria.
Napatay ang kumander ng mga Kastila na si Joaquin Machorro at sinasabing naging matagumpay ang naturang paglusob.
Ang mga bantayog ay itinindig ng pamahalaang bayan bilang pagkilala ng munisipalidad sa kabayanihan ng heneral na pinagmulan ng kanilang pangalan at kanyang bahagi sa dakilang yugto ng kasaysayan.
“Iyan po ay kinikilala ng ating mga kababayan,” ani Calairo. “Ang kamalayan sa kasaysayan ang susi sa pagkakaisa at hinaharap.”
Samantala, sinabi ni Pascual na ang bantayog na tinawag rin nilang Sulong Llanera sa Barangay Mabini ay “simbulo ng pagkakaisa at pagtutulungan ng ating mamamayan Llanerano lalong lalo na ng ating mga magsasaka.”
Hindi makakaya ng pamahalaan lamang ang isinusulong na kaunlaran kung wala ang tulong ng bawat isa, sabi ng alkalde.