Bangkay sa sako, nakuha sa kanal

    456
    0
    SHARE

    ABUCAY, Bataan- Isang bangkay ng hindi pa kilalang lalake na nakagapos ang mga kamay at nababalutan ng masking tape ang buong mukha at ulo ang natagpuang nakasilid sa sako sa isang kanal malapit sa tulay ng sitio Gomez, Barangay Mabatang, Abucay kahapon ng umaga.

    Ayon kay Insp. Galahad Taqueban, Abucay police chief, ang biktima ay nakagapos ang dalawang kamay sa likod na natatalian ng nylon cord at sinturong alambre na nang alisin ay bakat na bakat ang mahigpit na pagkakatali.

    Maaaring biktima, aniya, ito ng summary execution sa ibang lugal at itinapon lamang sa Abucay upang malihis ng pansin.

    Ayon sa autopsy report, namatay ang biktima sa suffocation at mga injuries sa ulo, dibdib at ibang bahagi ng katawan dulot ng pamalo na hindi pa malaman kung ano.  Wala itong saksak o tama ng bala ng baril.

    Natagpuan ang bangkay na nakasilid  sa dalawang pinagsaklob na sako na natatalian ng galvanized wire (alambre) ng isang nagja-jogging sa kahabaan ng Bataan superhighway sa Mabatang bandang alas-6:20 ng umaga.

    Ayon sa mga element ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), maaaring kaninang madaling araw lamang ito pinatay batay sa sariwang dugong nakita sa mukha at ulo ng biktima.
    Ang biktima ay tinatayang 5’3” ang taas, 50 taong gulang, medium built, curly hair at nakasuot ng cycling black shorts.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here