PLARIDEL, Bulacan—— Iniuwi na sa Pilipinas ang bangkay ng isang Bulakenyang OFW na namatay sa Maryland, USA dahil sa isang car accident.
Ang bangkay ng biktimang si Ellen Leuterio, 57 anyos, teacher sa Special Education Development sa Maryland ay inuwi na sa Barangay Poblacion ng bayang ito noong Linggo ng madaling araw sakay ng Northwest Airlines.
Labis ang pighati ng pamilya Leuterio sa sinapit ni Ellen na nasangkot sa isang aksidente na naging resulta ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Rogelio Leuterio, asawa ng biktima, sakay si Ellen ng isang Toyota Revo pauwi sa kanyang tahanan ng makabangga ang isang malaking sasakyan na minamaneho naman ng isang Latino.
Aniya, humihingi pa ng tubig ang kanyang asawa matapos ang banggaan bago isinugod sa isang ospital kung saan ito binawian ng buhay.
Internal bleeding umano ang naging sanhi ng pagkamatay ng kanyang asawa at nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang abogado sa Maryland para sa legal na aspeto ng aksidente ng kanyang asawa.
Naiulat din umanong namatay ang Latino na nakabanggaan ng sasakyan ng Bulakenyang OFW.
Ikinuwento ni Rogelio na matagal nang pangarap ng kanyang asawa na mapunta sa USA ngunit hindi niya naisip na sa pangarap niyang mangimbang bansa niya sasapitin ang kamatayan.
Si Ellen ay 23 taong nagsilbing teacher sa bansa at lumipad patungong Maryland noong ika-15 ng Agosto 2008 at namatay naman noong ika-28 ng pareho ring buwan.
Nanawagan ang pamilya Leuterio sa OWWA para sa kaukulang benepisyo sa pagkamatay ni Ellen bilang OFW.
Si Ellen ay nakatakdang ilibing sa Miyerkules sa St. James Cemetery sa Plaridel, Bulacan.