ABUCAY, Bataan Bangkang de motor at lambat ang kahilingan ng mga mangingisda sa Sitio Bakawan ng Barangay Wawa dito.
Ipinagwagwagan ng malalaki at nagngangalit na alon ang kanilang mga bangkang pangisda na nakadaong malapit sa kanilang mga bahay na nangawasak din habang dumaraan si Glenda noong Miyerkules ng umaga.
Nadurog ang mga bangka samantalang hindi na makita ang mga makina nito. Ang iba naman ay halos ang maliit na bahagi at batangan na lamang ang naiwan.
“May tumulong sana sa amin na magkaroon uli kami ng bangkang may makina at pati lambat upang makapaghanapbuhay kami at hindi magutom ang aming pamilya,” sabi nina Alex Lagutom, Roger Gumahan at Wilfredo Miras.
Sinabi naman ni Vinefer Sumilhig, 27, na sumasama na lamang ang kanyang asawa sa kung sino mang may bangka upang mangisda matapos mawasak din ang kanilang bangkang pangisda.
“Magkaroon uli sana kami ng sariling bangka,” sabi ng babae habang kalong ang maliit na anak.