BALANGA CITY – Isang rider ang patay samantalang tatlo naman ang malubhang nasugatan nang magbanggaan ang dalawang motorsiklo sa bahagi ng Roman Superhighway sa junction papasok ng Balanga City pasado alas-9 ng gabi nitong Sabado.
Idineklarang dead on arrival sa emergency ward ng Bataan General Hospital si Rolando Mendoza, 51, ng Dona Maria Subdivision, Barangay Tenejero, Balanga City.
Nag-iisa si Mendoza sa kanyang scooter. Malubhang nasugatan si Jerome Caalim, 24, security guard ng Peninsula Electric Cooperative, at dalawa niyang kaangkas na ang isa ay si Beverly Kua, 18, ng Central sa Balanga City.
Halos hindi pa makausap ang tatlo dahil sa tindi ng mga sugat sa mukha, ulo at katawan. Kasalukuyan silang naka-confi ne sa Bataan General Hospital sa Balanga City. Paliko si Mendoza sa isang gas station nang salpukin ng parating na diumano’y mabilis na motorsiklong sakay ang tatlo bandang alas-9:20 ng gabi, sabi ng report.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.