LUNGSOD NG CABANATUAN — Hinikayat ni Bishop Sofronio Bancud ng Diocese of Cabanatuan ang mga mananampalataya na manalangin nang taimtim at ialay ang araw-araw na pagdarasal ng rosaryo para sa kapayapaan sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kanyang panawagan na may petsang June 30, 2024, inatasan ni Bancud ang bawat parokya sa diyosesis na magsagawa ng Banal na Oras sa ika-5 ng Hulyo 2024 “para sa pagkakamit ng kapayapaan sa pamamagitan ng makatarungang solusyon.”
Simula naman sa ika-6 hanggangnika-16 ng kasalakuyang buwan, ang lahat ng parokya ay magdarasal ng rosaryo, ayon sa kanya.
“Ang panalangin ay isang makapangyarihang sandata upang humingi ng gabay mula sa ating Panginoong Diyos,” saad ng Obispo.
Sa nasabing panawagan na inilahad sa harap matinding pangamba at pag-aalala ukol sa kalagayan ng WPS, sinabi ni Bishop Bancud na ang “usapin ay hindi lamang sa teritoryo kundi ng ating dignidad at kabuhayan bilang isang bansa.”
“Bilang inyong pastol, nais kong magbahagi ng tatlong mahahalagang punto hinggil sa usaping ito,” saad niya.
Unang punto na ibinahagi ng obispo ay ang karapatan na malaman ang katotohanan kung saan ay kanyang tinukoy ang umano’y lihim na kasunduan sa pagitan ng Tsina at Pilipinas noong nakaraang administrasyon. Ang alegasyong ito, dagdag niya, ay nagdudulot ng malaking pag-aalala sa ating soberanya at kapakanan bilang isang bansa.
Ang bawat Pilipino ay may karapatang malaman ang buong katotohanan ukol sa usaping ito, sabi niya.
Hinikayat niya ang pananalangin na magkaroon ng lakas ng loob ang mga lider ng pamahalaan na ihayag ang katotohanan at magsumikap para sa isang tapat at makatarungang solusyon.
Ikalawa ay ang pangangailangan ng mga biktima ng tensiyon sa WPS, lalo na ang mga mangingisda na umaasa, aniya, sa payapang karagatan para sa kanilang kabuhayan.
“Ang kanilang mga karanasan at tinig ay dapat marinig at maisama sa anumang proseso ng kapayapaan. Ipaglaban natin ang kanilang proteksyon at suporta. Tiyakin nating ang kanilang karapatan at pangangailangan ay natutugunan sa ating paghahangad ng kapayapaan,” saad sa panawagan ni Bishop Bancud.
Pangatlong ipinunto ng Obispo ay ang kahalagahan ng panalangin at pagkakaisa kung saan kanyang hinikayat ang mga mananampalataya na lumapit sa Diyos sa taimtin na pangalangin.
Nanawagan pa si Bancud laban sa pagpapakalat ng fake news at mga mapanirang salita sa social media.
“Maging kasangkapan tayo ng kapayapaan at katotohanan. Ang ating bansa ay higit na nangangailangan ng pagkakaisa. Bilang isang bayan, huwag nawa tayong paghiwalayin ng maling impormasyon o galit. Pagsikapan nating magkaisa sa ating layunin para sa katarungan, kapayapaan, at kapakanan ng ating bayan,” saad din sa panawagan.
Sa huli ay hinikayat ni Bishop Bancud ang lahat na alalahanin ang Panginoon na maging daan ng kapayapaan sa gitna ng mga pagsubok na ito.