NAPAKADALAS NG mga sunog dito sa amin sa tatlong siyudad ng Caloocan, Malabon at Navotas. Kaya sanay na sanay kaming makarinig ng mga sirena ng bumbero. Pinakamadalas na masunugan ang sa mga looban ng mga kabahayan, lalo na ng mga informal settlers. At ang bilis kumalat dahil hindi makapasok ang mga bumbero. Bukod sa makikitid ang mga eskinita punong puno pa ng mga sasakyan na nakaparada. Kaya minsan, minabuti kong pag-aralan ang first aid instructions mula sa mga fire departments para maintindihan kung ano ang dapat tandaan ng mga tao para sa kanilang kaligtasan pag may sunog.
Ang pinakamadalas palang ikamatay ng mga nasusunugan ay hindi naman ang sunog mismo. Madalas marami pa palang pwedeng gawin para maligtas. Ang madalas ikamatay ng mga nasusunugan ay ang usok at biglang pagnipis ng hangin dahil sa kapal ng usok. Nagiging dahilan ito ng pagkahimatay, kaya hindi na makalabas ang tao sa bahay o building na nasusunog kahit malayo pa sa kanya ang sunog.
Ang unang dapat daw na tandaan kapag mausok na ay ang dumapa at gumapang papalabas. Ang usok daw pala ay nasa ibabaw at ang hangin ay nasa ilalim nito, mga isang dangkal sa ibabaw ng sahig. Kaya kung gagapang ang tao makakahinga pa rin siya at mas may tsansa pa siya para makalabas.
Sa araw na ito ng Pentekostes, parang ito ang eksenang pumapasok sa isip ko sa ginawa ni Hesus sa mga alagad. Para bang nasa gitna sila ng sunog pero dahil sa takot, imbes na lumabas, nagkulong sila sa loob. Isa pang dahilan ito ng pagkapahamak ng marami sa gitna ng sunog, kapag naunahan ang tao ng nerbyos at pagkalito dahil sa panic.
Kaya pala ang unang bati ni Hesus ay PEACE BE WITH YOU! KAPAYAPAAN. Para siyang bumbero na nakapasok sa bahay na nasusunog. Nang makita daw siya ng mga alagad, sila ay labis na natuwa. Sino bang nasusunugan ang hindi matutuwang makita ang bumberong magliligtas sa kanya? At ang unang ginawa daw niya matapos na sabihan silang mapakalma ay HININGAHAN sila. Parang ang iniimagine ko ang isang medic na may dalang oxygen mask na itatakip sa ilong at bibig para makahinga ang kanyang nililigtas. Pero syempre, sa sunog delikadong pumutok ang oxygen tank, kaya, mas mabuti dumapa na lang at gumapang papalabas. Magandang simbolo ng pagpapakumbaba.
Talagang malaki ang nagagawa ng pagpapakumbaba sa tao, sa gitna ng mga trahedya sa buhay. Mas mabilis pumasok ang hangin ng Espiritu Santo sa mga taong marunong dumapa at gumapang upang makahinga nang maluwag.
Sa panahon natin kahit walang sunog, sa tindi ng polusyon na dulot ng tao sa hangin dahil sa carbon emission na epekto ng pagsunog ng fossil fuels panipis nang panipis ang hangin na ating hinihinga. Baka dumating ang panahon hindi lang surgical masks ang susuutin natin kundi plastic masks na nakakabit sa tangke ng oxygen.
Pero ang araw na ito ng Pentekostes ay nagpapaalala sa atin na kung matindi ang pisikal na polusyon na dulot ng kapabayaan natin sa kapaligiran, di hamak na mas matindi ang espiritwal na polusyon sa ating lipunan. Mga toxic na pag-iisip at damdamin na nagdudulot ng mga takot, pangamba, at mga pagdududa. Mga nakalalason na salita at palitan ng comments sa social media, ang malaganap na disimpormasyon at mga pagkakalat na espiritwal na basura sa digital space.
Kapag hinayaan talaga nating masunog ang daigdig at mapuno ng usok ng kasinungalingan at panlilinlang, kapag tuluyan na tayong mawalan ng tiwala sa isa’t isa, talagang trahedya ang kahihinatnan nating lahat.
Ang Espiritu Santo ay ang ating spiritual oxygen na siya lamang magliligtas sa atin sa pagkahimatay sa mga sunog na hinaharap natin sa ating buhay. Para bang inuulit ng Diyos sa Pentekostes ang paglikha sa tao. Kung paanong hiningahan niya noong simula ang putik na si Adan upang mabuhay siya bilang tao, gayundin, hiningahan tayo ng Anak ng Diyos upang makiisa sa kanyang pagkabuhay—lalo na kapag napapaikutan na tayo ng makapal na usok ng masamang Espiritu.
Isa daw sa pinakaunang dulot ng Espiritu Santo sa tao ayon sa ebanghelyo ay ang kakayahang MAGPATAWAD at HUMINGI NG TAWAD. Nakakasikip nga naman ng dibdib ang mga galit at hinanakit. Ibig mong gumanti. Parang di ka matahimik hangga’t hindi mo naipapalasap ang pait na pinalasap sa iyo ng mga may atraso sa iyo.
Sasamantalahin ka pa ng mga negosyanteng nagbebenta ng armas—para papaniwalaan ka na walang magbibigay ng kapayapaan sa iyo kundi baril, katulad ng nangyayari ngayon sa Amerika, at katulad din ng nangyayari sa Europa dahil sa ginawang paglusob ng Russia sa Ukraine. Bumabalik na naman ang cold war, tagisan ng lakas militar at sandatang nuclear.
Hindi tayo magkakaroon ng tunay na kapayapaan sa mundo kapag nagsara na tayo ng isip at puso sa isa’t isa. Binabaan daw ng Espiritu ang mga alagad ng mga dilang apoy. Matalinghaga ito. Isang palaisipan. Ibig sabihin, kailangan natin matutunan ang linggwahe ng Diyos, linggwaheng matuturo sa atin na makinig, makiramdam, umunawa at magpaliwanag.
May isang lumang kanta tungkol sa Espiritu Santo na angkop na gamitin bilang conclusion para dito sa ating Pentecost reflection:
“Breathe on us, Breath of God, fill us with life anew, that we may love the way you love, and do what you would do.”
“Hipan mo kami, hininga ng Diyos, punuin mo kami ng bagong buhay, nang kami’y matutong magmahal kung paano mo kami minahal, at gumawa ng ibig mong gawin.”
(Homiliya Para sa Linggo ng Pentekostes, Ika-5 ng Hunyo 2022, Juan 20)