Home Headlines Bamban Mayor, no show sa flag ceremony; taga-suporta naghayag ng simpatya

Bamban Mayor, no show sa flag ceremony; taga-suporta naghayag ng simpatya

385
0
SHARE
Ang Aeta leader na si Mamoon Oscar Rivera habang naghahayag ng kanyang pagkadismaya sa isyung kinakaharap ni Guo. Kuha ni Rommel Ramos

BAMBAN, Tarlac —- Hindi dumalo sa flag ceremony ngayong Lunes, Mayo 20, si Mayor Alice Guo pero nagtipon-tipon naman sa flag ceremony ang kanyang mga tagasuporta at nagpahayag ng kanilang simpatya sa alkalde.

Naroon ang liga ng mga kapitan, ilang lokal na opisyal at leader ng sektor at matapos ang pagtataas ng bandila ay isa-isang nagsalita ang mga ito para ipagtanggol si Guo.

Hindi daw sila naniniwala sa mga bintang laban sa mayor dahil matagal na daw itong naninirahan sa Bamban at hindi din sangkot sa POGO.

Si Guo lang daw ang mabilis na nakapagpaunlad sa kanilang bayan.

Ang Aeta leader na si Mamoon Oscar Rivera ang isa sa matapang na kumondena kina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Sherwin Gatchalian at Pangulong Bongbong Marcos.

Hindi daw sila papayag na matanggal sa pwesto si Guo sa banta ng suspensyon ng DILG. Pulitika lamang anila ang dahilan ng lahat ng paninira laban sa alkalde.

Samantala, ayon kay Bamban Vice Mayor Leonardo Anunciacon, kahit isang linggo nang hindi nakikita sa munisipyo si Guo ay tumatakbo naman daw ng maayos ang pamahalaang bayan.

Hindi din sila naniniwala sa mga alegasyon laban kay Guo at maghihintay na lang daw sila ng magiging resulta ng imbestigasyon.

Sa gitna ng pagtatanggol ng marami kay Guo ay nagkalat na rin sa bayan ng Bamban ang mga tarpaulin ng pagsuporta ng mga residente sa laban nito. 

Sa pagpasok pa lang ng tulay ng Bamban hanggang sa munisipyo ay nagkalat na ang mga sako at tarpaulin pabor kay Guo.

Ayon naman sa impormasyon, nasa Maynila na si Guo bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa Miyerkules.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here