SUBIC BAY, Zambales –Sinimulan na ngayong Abril 11 ang pinakamalaking joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas, United States of America, at Australia na isasagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang Balikatan 2023 ay nakatuon sa Maritime Defense, Coastal Defense, at Maritime Domain Awareness na isasagawa sa Palawan, Antique, at sa Northern Luzon, kung saan ay aabot sa 17,600 tropa ang lalahok.
Sa nasabing tropa, 12,000 ang magmumula sa US, habang ang iba ay mga tropa ng Pilipinas at ang 111 contingent mula sa Australian Defense Force na sasabak rin sa mga pagsasanay.
Nagsimulang dumating sa Pilipinas ang mga barkong militar at eroplano ng US noong nakaraang linggo upang maghatid ng mga tauhan at kagamitan para sa mga pagsasanay at ang pinakahuli ay ang pagdaong ng mga US Navy amphibious transport dock USS Anchorage at USS Makin Island sa Subic Bay Freeport nitong Abril 10.
Kasama sa Balikatan 2023 ang live-fire exercises sa dagat kabilang dito ang pagpapalubog sa isang umano’y mock enemy ship na 200-foot decommissioned fishing vessel sa Naval Education, Training and Doctrine Command sa San Narciso, Zambales na nakaharap sa West Philippine Sea.
Layunin ng Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na mapahusay ang kanilang kooperasyon at interoperability sa ilalim ng Visiting Forces Agreement na nilagdaan ng dalawang bansa noong 1998.