LUNGSOD NG MALOLOS – Muling itinaas ang dengue alert sa Bulacan matapos na biglang lumobo ang kaso nito sa lalawigan simula nitong Hunyo kung kailan nagbukas ang klase.
Ayon kay Dr. Joycelyn Gomez, pinuno ng Provincial Public Health Office (PPHO), nagpalabas ng isang memorandum noong nakaraang buwan si Gob. Wilhelmino Alvarado na humihikayat sa lahat ng pamahalaang lokal at pribadong samahan para sa malawakang paglilinis sa lalawigan.
Ito ay dahil sa “pagbabalik-eskwela” ng dengue sa lalawigan kung saan bigla ang naging pagtaas ng kaso mula noong Hunyo.
“Nagbalik-eskwela na naman ang dengue kaya nagpalabas na ng memo si Governor (Alvarado),” ani Gomez at iginiit na ang karaniwang edad ng mga biktima ay nasa pagitan ng isang taong gulang hanggang 17.
Batay sa tala ng PPHO, umakyat sa 2,086 ang bilang ng kaso ng dengue sa lalawigan na naitala sa pagitan ng mga buwan ng Enero at Agosto ngayong taon.
“We have a four-fold increase compared to the same period last year,” ani Gomez at sinabing umabot lamang sa halos 500 kaso ng dengue ang kanilang naitala sa katulad na panahon noong nakaraaang taon.
Binanggit din niya na kapansin-pansin ang pagtaas ng kaso ng dengue sa mga bayan at lungsod sa lalawigan na may mataas na bilang ng poppulasyon at may mga resettlement sites.
Kabilang sa mga ito ay ang mga Lungsod ng San Jose Del Monte at Malolos, at mga bayan ng Sta. Maria, Calumpit at San Miguel.
Bukod sa Calumpit, ang mga nabanggit na bayan ay may populasyong higit sa 100,000, ngunit ang Calumpit ay isa sa mga bayang may resettlement site.
Kumpara noong nakaraang taon, ang kaso ng dengue sa lalawigan ay biglang lumobo sa mga buwan ng Hulyo at Setyembre o halos dalawang buwan matapos magbukas ang klase.
Ngunit sa taong ito, ang mga kaso ng dengue ay biglang lumobo simula sa ikalawang linggo ng Hunyo. Ayon kay Gomez, isa sa dahilan nito ay ang kalagayan ng panahon o ang pagpasok ng tag-ulan.
Ito ay dahil sa noong nakaraang taon ay naranasan ang tagtuyot hanggang kalagitnaan ng buwan g Agosto, samantalang sa kalasalukuyang taon, ay mas maaga ang pagpasok ng ulan.
Ipinaliwanag pa ni Gomez na may posibilidad na nakaapekto rin sa pagtaas ng kaso ng dengue na naitala ang mga polisiya ng gobyerno.
Ito ay dahil sa noong nakaraang taon, halos ay walong ospital lamang ang nag-uulat ng kaso ng dengue, samantalang sa taong ito ay mahigit sa 100 na kabilang ang mga pribadong ospital at mga klinika sa lalawigan.
Bukod dito, sinabi rin ni Gomez na posible ring nakaapekto sa pagtaas ang pagbibigay ng pamahalaang panlalawigan ng libreng gamot at ospitalisasyon sa mga biktima ng dengue sa lalawigan.
“We also have to consider the free medical services provided by the provincial government, kasi dati, marami ang nagkaka-dengue pero hindi nare-report dahil sa hindi nagpapaospital ang payente for economic reasons,” ani Gomez.