Balatkayong droga binabatayan ng PDEA

    340
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan—Masusi ang isinagawang pagbabantay ngayon ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa mga “mapanganib” na droga na binago ang anyo.

    Ito ay dahil sa pagsasagawa ng inobasyon ng mga sindikato na gumagamit ng makabagong teknolohiya upang mabago ang anyo ng mga ipinagbabawal na droga.

    Natawag ang pansin ng PDEA hinggil sa panibagong anyo ng mga nasabing droga matapos nilang masakote noong Hulyo 21 ang bentahan ng diumano’y tabletang anti-allergy, ngunit naglalaman ng metamphetamine o shabu. Ang mga nasabing tablet ay karaniwang ibinebenta sa mga call center agents.

    “We are now on the look out for their innovations,” ani Undersecretary Jose Gutierrez, ang director-general ng PDEA.

    Ayon kay Gutierrez, ang nasabing tableta ay kanilang nakumpiska sa isang botika sa Lungsod ng Mandaluyong na kanilang sinalakay.

    Aniya, dahil sa purong kemikal ito, madaling baguhin ang anyo ng shabu, kumpara sa mga droga na plant-based tulad ng marijuana at cocaine.

    “Yung shabu ay amphetamine type of stimulant, ibig sabihin, ang main ingredient ay puro chemical lang. Nakakasira ng ulo yan, very damaging. Of course, delikado rin yung marijuana at cocaine,” aniya.

    Sinabi ni Gutierrez na patuloy na sinusuri sa laboratoryo ang mga nakumpiskang droga at iginiit niya na “definitely mayroong halong metamphetamine.”

    Naniniwala din umano siya na madadakip nila ang mga sindikato sa likod ng mapanganib na droga.

    “Eventually, we will catchup with this people, then, pasensiyahan na lang, kung ang tingin nila dito ay negosyo, they should think hard. Napakalaki ng sisirain nila dito, sana maintindihan na nila na may pamilya din sila,” ani Gutierrez.

    Hinggil naman sa posibilidad na maging isang transshipment point ng mga nasabing droga ang bansa, sinabi ng pinuno ng PDEA na “palagay ko kayang-kaya natin,” dahil daw sa walang eroplanong direktang bumibiyahe mula Europa at Timog Amerika patungong Pilipinas.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here